Mensahe ni Prop. Jose Ma. Sison sa Ika-16 Kongreso ng LFS
Malugod akong nagpapaabot ng pagbati at pakikiisa sa pambansang pamunuan, mga tsapter at kasapian ng League of Filipino Students sa okasyon ng ika-16 na Pambansang Kongreso at ika-30 anibersaryo nito. Sumasaludo ako sa inyong lahat dahil sa mga mahalagang ambag ng LFS sa pambansang demokratikong kilusan ng mga mag-aaral at sambayanang Pilipino sa nakaraaang tatlong dekada at sa kasalukuyan.
Umaasa ako na sa pamamagitan ng kongreso ay inyong maiintindihan ang kalagayan, malalagom ang mga karanasan, masasapol ang mga positibo at negatibong aral at maitatakda ang mga tungkulin para itaguyod at isulong ang mga pambansa at demokratikong karapatan at interes ng mga mag-aaral at ng sambayanang Pilipino.
Pagkakataon ko ngayon na magpasalamat sa inyong lahat sa puspusang pagkilos para ipanawagan ang aking kalayaan at ipagtanggol ang mga karapatan ng mga kagawad, consultant at staffer ng Negotiating Panel ng National Democratic Front of the Philippines nang ako ay arestuhin at ibartolina at nang loobin at halughugin ang opisina ng NDFP at mga tahanan namin at itangay ang mga gamit at papeles mula rito bunga ng pagsasabwatan ng rehimeng Arroyo at mga gobyerno ng US at Olanda sa isang walang batayang paratang.
Ayon sa inyong kahilingan, tatalakayin ko ang kasalukuyang kalagayan sa daigdig, ang krisis ng imperyalismo at ang mga pakikibakang anti-imperyalista. Mahalaga ang pagnanais ninyong unawain ang konteksto ng palubha nang palubhang pang-aapi at pagsasamantala sa sambayanang Pilipino at mga mag-aaral sa ilalim ng malakolonyal at malapyudal na sistemang dominado ng imperyalismo, piyudalismo at burukrata kapitalismo.
Sa gayon, ibayong lilinaw ang inyong mga tungkulin. Lalo ninyong maiintindihan ang direksyon ng pakikibaka kapwa sa kasalukuyan at matagalang kalagayan. Masasapol ninyo kung gaano kabulok ang pandaigdigang sistemang kapitalista at ang lokal na naghaharing sistema at kung paano sumusulong ang pakikibaka ng mga mamamayan sa buong daigdig.
Sa pagtatapos ng dekada ng 1960, nalubos ang rekonstruksiyon ng mga bansang imperyalista na nasira sa World War II, umigting ang kompetisyon ng mga bansang imperyalista at nagbunga ito ng krisis ng “stagflation” (sabay na pagtumal ng ekonomiya at paglobo ng presyo). Sa pagtatapos ng dekada ng mga 1970, pinagpasiyahan ng US na ilipat ang diin ng patakaran sa ekonomiya sa tinaguriang patakarang “neoliberal” o “malayang palengke” mula sa patakarang “Keynesian”.
Isinisi ng mga imperyalistang bansa ang “stagflation” sa sinabing pagpapataas ng pasahod sa mga manggagawa at sa paglaki ng sosyal na gastos ng gobyerno. Pinagtakpan ang abuso ng uring monopolista sa paggamit sa pampinansyang kapital at sa dambuhalang gastos sa militar. Sa ilalim ng patakarang “neoliberal”, lalong binigyan ang mga monopolyo kapitalista ng lisensiya para sirain ang pag-unlad ng mga bansang atrasado, kontrolin ang pangangapital at pangangalakal, pabagsakin ang pasahod at pinsalain ang kapaligiran.
Hanggang sa pagtatapos ng ika-20 siglo, waring matagumpay ang patakarang “neoliberal” sa kabila ng mga palatandaang lumalala ang krisis ng monopolyo kapitalismo. Waring tuluy-tuloy na kayang ipataw ng mga imperyalista sa mga inaaping mamamayan ang pandarambong at mga gera ng agresyon. Waring mabuti para sa pandaigdigang kapitalismo na naging lantaran at lubusang kapitalista ang mga dating rehimeng rebisyonista. Lumaki ang papel ng Rusya at Tsina bilang mga imperyalista.
Sa katotohanan, lalong bumilis ang konsentrasyon ng kapital sa iilang bansang imperyalista at kung gayon lalong lumala at lumalim ang krisis ng labis na produksiyon. Ibig sabihin nito, lumaki ang produksiyon pero kailangang ibaba ito dahil kapos ang kita ng mga bansang atrasado at mga anakpawis at hindi nila kayang bilhin ang mga produkto at bayaran ang mabibigat na pautang ng monopolyo kapital.
Ang krisis ng monopolyo kapitalismo sa ekonomiya ay nagbubunga ng militarismo, rasismo, pasismo at mga gera ng agresyon. Sa panahon ni Bush bilang presidente ng US, matapos na bumagsak ang hightech “new economy” ni Clinton, binigkis sa isang patakaran ang neoliberalismo at militarismong Keynesian.
Sinubukang gamitin ang pagpapataas ng produksyong militar para buhayin ang ekonomiya ng US at engganyuhin ang mga konsumer na Amerikano na iutang ang mga bahay nila upang magkaroon sila ng pambilisa mga inaangkat mula sa mga kompanyang imperyalista sa Tsina, Timog Silangang Asya at iba pang lugar. Inabot na ang hangganan ng mga ganitong taktika. Walang pagtigil ang paglubha ng krisis ng pandaigdigang kapitalismo. Hinahagupit ngayon ng krisis na ito ang Pilipinas.
Dahil sa pagdami ng mga bansang imperyalista, umigting ang kontradisyon sa hanay ng mga imperyalista at lalong kumitid ang pandaigdigang ekonomiya o palengke para sa pandarambong ng mga imperyalista. Lagi nilang ipinapasa ang pasanin ng krisis sa mga bansang atrasado. Pero may hantungan ito, laluna dahil sa lumalaban ang mga mamamayan sa imperyalismo at lahat ng reaksiyon sa mga bansang atrasado at gayundin yaong sa mga bansang imperyalista mismo.
Nasa kumunoy ngayon ang Numero Unong imperyalista, ang Estados Unidos, sa Iraq at sa Afghanistan. Puspusang naglulunsad ng pambansang gera ng pagpapalaya ang mga mamamayan para labanan ang mga gera ng agresyon ng mga imperyalista. Malaking rekurso at bilang ng tropa ang inaaksaya ng US sa ilang lugar, samantalang nababawasan ang atensiyon nito sa ibang bahagi ng daigdig.
Sa ilang bansa, tulad ng India, Columbia, Peru, Pilipinas at Turkiya, pursigido ang mga pwersang rebolusyonaryo at mamamayan sa paglulunsad ng sandatahang rebolusyon. Sa iba pang bansa, may mga seryosong pagbabalak at paghahanda para maglunsad ng digmang bayan. May malaking potensyal ang paglaganap ng digmang bayan sa buong Timog Asya, Sentral Asya at Brazil. Sa lahat ng kontinente ng daigdig ngayon, matindi ang krisis sosyal at pampulitika. Batay dito lumilitaw at sumusulong ang mga rebolusyonaryong kilusan ng mga mamamayan.
Lalong nakikita ng maraming pwersang rebolusyonaryo sa buong daigdig ang limitasyon sa kapangyarihan ng imperialismong Amerikano. Hanggang ngayon, sa tagal ng higit sa tatlong dekada, hindi nito kayang gapiin ang sandatahang rebolusyon sa Pilipinas at Columbia. Sa higit na limang taon mula nang nanghimasok ang dambuhalang teroristang US, bigo ang ilang libong tropa nito sa pagsugpo sa munting teroristang grupo ng Abu Sayyaf. Nakalantad ang kahinaan ng US.
May mga bansa at gobyernong nagtataguyod ng pambansang kasarinlan at mga sosyalistang hangarin. Kabilang na rito ang Cuba, Venezuela, Hilagang Korea at iba pa. Binabatikos at linalabanan nila ang mga panggigipit ng mga imperyalista. May iba pang bansa at gobyerno na ginigipit ng mga imperyalista at itinutulak ng mga mamamayan para sumalungat o lumaban sa imperyalismo.
Sa mismong mga bansang imperyalista, naglulunsad ng mga aklasan at protestang masa ang uring manggagawa, mga kabataan, kabataan at migrante laban sa pag-igting ng pagsasamantala at pang-aapi. Nais nilang magkaroon ng seguridad sa trabaho, pataasin ang pasahod, ipagtanggol ang mga demokratikong karapatan nila, palakasin ang kilusang manggagawa at labanan ang pasistang panunupil, rasismo, pakikialam sa ibang bansa at mga gera ng agresyon at mga pinsalang dulot nito sa kanila.
Sa ngalan ng paglaban sa terorismo, isinusulong ng mga imperyalista at mga papet nila ang dambuhalang terorismo sa anyo ng panloob na represyon o terorismo ng estado at mga gera ng agresyon. Ipinalalaganap ng mga imperyalista ang pasisasyon sa buong daigdig. Itinatambol nilang target ang mga pundamentalistang Muslim. Subalit ang maraming target nila ay mga bansa at mamamayang nagtataguyod ng pambansang kasarinlan, mga pwersa at kilusang anti-imperyalista at mga progresibong lider.
Nagsabwatan ang US, Olanda at rehimeng Arroyo sa pagsalakay sa NDFP Negotiating Panel at paglabag sa aming mga karapatan. Sa Europa ginawa sa amin ang hindi nila ginawa sa mga kinatawan at opisina ng African National Congress at Palestine Liberation Organization sa panahon ng Cold War. Nagbago ang klima sa daigdig sa ilalim ng terorismo ng mga imperyalisra. Hindi pa tapos ang panunupil sa amin. Nagpapatuloy pa ang panggigipit at pagyurak sa aming mga karapatan. Kailangan ang patuloy na pagmamatyag at militansya.
Malaki ang aking tiwala na lalong lalaban ang mamamayan ng daigdig sa lumulubhang pang-aapi at pagsasamantala. Lalong tataas ang antas ng rebolusyonaryong kamalayan at pakikibaka sa hanay ng mga anakpawis at ibang saray ng lipunan. Wala silang maasahan kundi ang sariling lakas at pagkilos nila para sa kalayaan, demokrasya, katarungan, kaunlaran at kapayapaan laban sa imperyalismo at lahat ng reaksiyon.
Umaasa ako na magbubunga ang inyong ika-16 na kongreso at selebrasyon ng ika-30 anibersaryo ng panibagong kapasyahan at ibayong lakas sa pakikibaka at paglilingkod sa masa ng mag-aaral at sa sambayanang Pilipino alinsunod sa pangkalahatang linya ng pambansang kalayaan at demokrasya laban sa mga imperyalista at mga lokal na reasksyonaryo.
Mabuhay ang League of Filipino Students!
Mabuhay ang mga Pilipinong mag-aaral!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!
MENSAHE NG PAKIKIISA SA LEAGUE OF FILIPINO STUDENTS
SA IKA-15 NA PAMBANSANG KONGRESO AT IKA-30 ANIBERSARYO
Ni Propesor Jose Maria Sison
Tagapangulong Tagapagtatag, Kabataang Makabayan
Tagapangulo, International League of Peoples’ Struggle
20-25 Oktubre 2007
10th November 2007 | Filed under: Features | Click here to follow any responses to this entry: RSS 2.0 feed
Related Posts:
Fatal error: Call to undefined function similar_posts() in /home/lfs/lfs.ph/wp-content/themes/mimbo2.2/single.php on line 41