Tanong-sagot hinggil sa Oil Price Hike

Kailangang maunawaan ng marami ang sagad-sagad na panggagantso na ipinapakana ng sawatan ng kartel at ng gubyerno laban sa mamamayan.

Dahil dito, inilalabas ng LFS ang gabay na ito upang makatulong sa mga kasapi at masa sa simple ngunit malamang pagpapaliwanag sa kawastuhan ng panawagan ng mamamayan para sa pagpigil sa pagtaas ng presyo ng langis, pagbasura sa Oil Deregulation Law, pagtatanggal ng buwis sa produktong petrolyo at pagsasabansa ng industriya ng langis.

Basahin ang “Tanung-sagot hinggil sa walang habas na pagtataas ng presyo ng langis”.

Maaari ring i-download ang booklet format na ito para sa pagpprint at madaling reproduksyon.

Tanung-sagot hinggil sa walang habas na pagtataas ng presyo ng langis
Inihanda ng League of Filipino Students (LFS), Nobyembre 2007

Ilang beses na nagtaas ng presyo ng langis? Gaano kataas? Ano ang epekto nito sa mamamayan?

Ngayong taon:
• 16 na beses na nagtaas ang presyo ng gasolina (P9/litro)
• 13 beses ang diesel (P6.50/litro)
• 13 beses ang kerosene (P7/litro)
• 7 beses nagbaba, ngunit 13 beses nagtaas ang LPG (P10.08/kilo, P 3.36/kilo, net P6.75/kilo) 1

Tinataya pang tataas ng mahigit P4/litro ang presyo ng mga bilihing petrolyo.

Sobrang dalas at laki ng pagtaas ng presyo ng langis. Mula 2001, 275%, o higit triple na ang itinaas ng halaga ng bilihing petrolyo. 2
• Premium mula P16.56/litro noong 2001, P45.18 na
• Diesel mula P13.82/litro noong 2001, P37.95 na

Anong epekto ng pagtataas ng presyo ng langis sa mamamayan?

Pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at produksyon, na magdudulot higit na krisis sa ekonomiya at kabuhayan ng mamamayan ang dulot ng walang habas na pagtaas ng produktong petrolyo.

Nitong nakaraan, nagtaas na ang minimum na pamasahe mula P7 hanggang P7.50. Tinataya pang aabot sa P9 ang pagtaas ng pamasahe kung hindi mapipigilan ang pagtaas ng presyo ng langis.

Kasabay nito ang pagtataas ng presyo ng mga batayang bilihin. Nagtaasan na ang presyo ng manok, isda, gulay at bigas.

Mas makikita ang lupit ng epekto nito kung ikokonsidera ang walang-kapantay na tantos ng krisis, kahirapan at desperasyong kasalukuyan nang dinaranas ng mamamayan:
• 80% ng populasyon ay lubog sa kahirapan o nabubuhay sa mas mababa sa $2 o P96 kada araw
• 1/3 ng labor force ay walang trabaho, at 3,400 ang napipilitiang umalis ng bansa kada araw
• Walang kasingtaas ang tantos ng walang makain na umaabot 21.5% na sa mga nakaraang taon ay nananatiling nasa 11% lamang 3

Bakit hindi makatarungan ang walang habas na pagtataas ng presyo ng langis?

Sobra-sobra ang pinapatong ng mga dambuhalang kumpanya ng langis sa produktong petrolyo. Habang nasasadlak sa hirap ang taumbayan, higit namang kumakamal ng limpak limpak na kita ang kartel ng langis.

Nagkokontsabahan ang Shell, Caltex at Petron, ang tatlong pinakamalalaking kumpanya ng langis sa bansa na may kontrol sa halos 90% ng pamilihan, para pataasin ang presyo ng langis at pagkakitaan ng husto ang taumbayan.

Ayon sa pag-aaral ng IBON, mula 2000-2007, nasa P4.55/litro ang overprice o di makatwirang patong ng mga kumpanya sa presyo ng produktong petrolyo.

Sa isang pag-aaral noong 1998, halimbawa, tinatayang kumita ng umabot sa P1.7 bilyon sa taong iyon sa pamamagitan ng overpricing ang tatlong malalaking kumpanya ng langis o halos P200,000 kada oras!

Bukod pa rito ang mas malaking kinukubra ng mga kumpanya sa pamamagitan ng transfer pricing, kung saan pinapalobo ng mga kumpanya ang tunay na halaga ng presyo ng langis habang dumadaan ito sa iba’t ibang yugto ng produksyon at distribusyon hanggang sa makarating sa konsyumer.

Tinatayang aabot sa tumataginting na P19 bilyon kada taon ang kinukubra ng mga kumpanya sa pandarayang ito.

Noong taong 2000, aabot sa P32 bilyon ang kabuuang kita ng mga kumpanya ng langis. Lumalaki pa kada taon ang kita ng mga ito. Noong 2005 halimbawa, higit doble ang paglaki ng deklaradong kita ng mga kumpanya kung ikukumpara dalawang taon ang nakararaan.

Paano nakakapanggoyo ang mga dambuhalang monopolyo ng langis?

Lubhang nakaasa sa pag-aangkat ng produktong petroylo ang ang industriya ng langis sa bansa, na siya namang monopolisado ng kartel mula sa pag-aangkat, pagpuproseso, pagtitingi, at maging ang eksplorasyon ng langis.

Kaya walang pumipigil sa kartel na manipulahin ang presyo ng produktong petrolyo at magkamal ng limpak limpak na tubo.

Halimbawa, kahit na may imbak pa nang aabot sa tatlong buwan ng langis, agad nang magtataas ng presyo ang mga kumpanya oras na gumalaw ang presyo sa pandaigdigan o di kaya’y tumaas ang halaga ng dolyar. Awtomatiko ding may patong ang mga kumpanya sa bawat paggalaw ng presyo sa higit sa halagang dapat na katumbas.

Kapag bumababa naman ang presyo sa pandaigdigang pamilihan o halaga ng dolyar, hindi naman nagbababa ng angkop na halaga ang mga kumpanya. Kadalasan pa nga’y nagtataas pa ito ng presyo.

Ang mga iskemang ito ay hinahayaan at higit pang sinusuhayan ng patakaran ng deregulasyon ng gubyerno. Walang ginagawa ang gubyerno para pigilan ang mga pagtataas na ito, bagkus pinabibigat pa nga nito ang pasanin ng mamamayan sa pamamagitan ng pagpapataw ng buwis sa binabayaran ng mamamayan sa presyo ng langis.

Hindi ba’t tumataas ang presyo ng krudo sa daigdig? Ito raw ang dahilan ng pagtaas ng presyo ng langis.

Ang pagtaas ng presyo sa tinatawag na spot market o sa kaso nati’y presyo ng Dubai crude, ang pinagbabatayan ng pagtataas umano din ng presyo ng langis. Pero malaking kalokohan ito pagkat sa totoo’y hindi naman talaga dito bumibili ng krudo ang kartel.

Halimbawa, ang Pilipinas Shell ay nakakontrata ng suplayan ng krudo ng Royal Dutch Shell, na parent company nito. Hindi ito apektado ng paggalaw ng presyo pagkat kontrolado na ng pandaigdigang monopolyo kartel ang mga prosesong dinadaanan ng langis at higit na mas mababa ito sa kumpara sa presyo ng spot market.

Sa pag-aaral ng IBON, sa krudo pa lamang, aabot sa $50 kada bariles ang ipinapatong ng mga dambuhalang kartel sa presyo.

Kung tutuusin, may sapat na suplay ang daigdig ng krudo at walang totoong krisis sa suplay upang maging sapat na dahilan para sa pagtataas ng presyo ng krudo. Ganid na iskema para sa tubo gaya ng ispekulasyon at manipulasyon ng mga monopolyo sa langis sa daigdig ang dahilan ng pagsirit ng presyo ng sa pandaigdigang merkado.

Bakit nga ba nagtataas ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado?

Sapat ang reserba ng langis ng mundo para patakbuhin ang lahat ng sasakyan, pabrika, at planta sa loob ng susunod pang 42 taon.

Ang totoong dahilan ng pagtataas ng presyo ng krudo ay ang pagsasamantala ng mga ispekulador ang mga pangamaba ng merkado na nagdudulot ng artipisyal na pagtataas ng presyo at pagmamanipula ng pandaigdigang kartel sa suplay ng langis.

Sa taya ng magasing The Economist noong 2005, umaabot sa hanggang $15 kada bariles ang nadadagdag dahil sa ispekulasyon sa tinatawag na futures market, kung saan sinasamantala ng mga malalaking mamumuhunan ang mga pangamba sa suplay ng langis upang itulak ang presyo pataas at pagkakitaan.

Sinasamantala naman ito ng malalaking monopolyo sa langis, kasabay ng pagmanipula din sa suplay ng langis upang artipisyal na palobohin ang presyo nito. Nagagawa ito ng mga kumpanyang pinakamalalalaki gaya ng Exxon Mobil, British Petroleum, Royal Dutch Shell, Chevron Texaco, Total, Saudi Aramco, pagkat monopolyado ng mga pinakamalalaking mga TNCs na ito ang industriya ng langis, mula sa pagmimina hanggang sa pamamahagi.

Noong 2004, nagtala ang Exxon Mobil ng tubong $25.3 bilyon, pinakamalaki sa kasaysayan ng lahat ng mga TNC sa buong mundo.

Anung ginagawa ng gubyerno ni Arroyo bilang tugon sa pagtataas ng presyo ng langis?

Kakuntsaba ng kartel ng langis ang gubyernong Arroyo sa pagpapahirap sa taumbayan.

Hinahayaan ni Arroyo ang mga hindi makatwirang mga pagtataas sa pamamagitan ng pagpapanatili ng palpak na Oil Deregulation Law (na siya rin ang nagpanukala), pagpapataw ng dagdag pang buwis na dagdag pasanin pa sa taumbayan, at paglihis sa usapin sa pamamagitan ng mga walang saysay na “solusyon” na ipinalulunok sa mamamayan.

Ano ang Oil Deregulation Law?

Higit na sumahol ang pagtataas ng presyo nang isabatas ang Oil Deregulation Law (ODL) noong 1998 o RA 8472. Bago nito, dumadaan pa sa proseso ng pagpasa ng Energy Regulatory Board (ERB) ang pagtataas ng presyo ng langis. Bagamat nakapagtataas din ng sobra-sobra sa panahong ito, higit pa itong dumalas at sumahol nang tanggalin ang regulasyon.

Ikinatwiran ng gubyerno sa pagpapatupad ng patakarang deregulasyon na mabubuksan umano ang “kompetisyon,” mabubuwag ang mga kartel, at mapipigil ang pagtataas ng presyo ng langis. Sa totoo, layunin ng deregulasyon na higit na patindihin ang kita ng mga monopolyo at higit na pigain ang sobra-sobrang tubo mula sa mamamayan.

Sa panahon ng deregulasyon, sinamantala ng husto ng kartel ang walang limitasyong pagtataas. Nagtaas ng higit sa 60 ulit sa loob ng 10 taon ang presyo ng langis. Samantalang sa 25 taon bago nito, 23 beses lamang nagtaas ang presyo.

Walang banggit ang gubyernong Arroyo sa ODL sa kabila ng malawak na panawagan ng iba’t ibang grupo para sa pagbabasura nito.

Magkano ang buwis na ipinapataw ng gubyerno sa langis?

Naghihirap na nga, higit pang pinahihirapan ng gubyerno ang mamamayan sa pagpapapasan sa kanila ng RVAT sa langis. 10% ng ibinabayad ng mamamayan ay RVAT. Halimbawa’y P30 kada litro ang presyo’y nagiging P33 kada litro dahil sa buwis.

Hindi napupunta sa taumbayan ang RVAT na ito. Kinukurakot lamang ni arroyo at mga alipores nya o di kaya nama’y napupuntang kalakhan sa pambayad utang sa malalaking dayuhang bangko. Utos ng mga dayuhang bangko ang patakarang ito na higit na nagpapahirap sa mamamayan.

Ano-ano ang mga “solusyon” ni Arroyo?

Nananawagan umano ang gubyerno sa mga ahensya nito na magtipid ng enerhiya at bawasan ang konsumo. Nais linlangin ni Arroyo ang taumbayan na sa pamamagitan ng pagtitipid ay masosolusyunan ang krisis sa langis. Ngunit kahita naman bumaba ang konsumo, na sa katunayan ay nangyari noong mga nakaraang taon, pataas pa rin ang presyo ng langis.

Nililihis din ni Arroyo ang usapan sa paghahanap ng mga alternatibong source ng langis. Pero wala namang seryosong programa ang gubyerno para dito at sa katunayan ay ibinebenta pa nga ni Arroyo sa malalaking dayuhang kumpanya ang mga alternate sources ng energy gaya ng Malapaya na 90% kontrolado na rin ng dayuhang kartel ng langis.

Ano ang dapat gawin sa harap ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng langis?

Labanan ang walang habas at hindi makatarungang pagtaas ng presyo ng langis. Dapat magkaisa ang mamamayan at pigilan ang sobra-sobrang pagtataas ng presyo ng langis. Kung tutuusin dapat pa ngang irolbak ang sobrang singil ng kartel mula sa mamamayan.

Dapat ilantad ang mga ganid na pakana ng sabwatan ng kartel sa langis at gubyerno para higit na pagpapahirap at pagsasamanatala sa mamamayan.

Ibasura ang Oil Deregulation Law. Walang duda na ang deregulasyon ay higit pang nagpasahol sa pananamantala ng ganid na kartel sa langis at pagpapahirap sa taumbayan. Dapat kagyat na itulak ng mamamayan ang pagbabasura ng ODL at simulan ang makabuluhang mga hakbang para kontrolin ang presyo ng langis at itigil ang pagsasamantala ng mga monopolyong kartel.

Panagutin at patalsikin ang rehimeng Arroyo. Dagdag sa mga masasahol na krimen ni Arroyo sa mamamayan ang pakikipagsabwatan nito sa mga dayuhang monopolyo kartel ng langis at higit na pagpapahirap sa taumbayan. Tuta si Arroyo ng dayuhang kumpanya at kartel ng langis. Dapat palakasin ng mamamayan ang kilusan para patalsikin si Arroyo at panagutin ito sa mga kasalanan sa taumbayan.

Habang nasa poder si Arroyo, patuloy na magiging tuta ang gubyerno sa interes ng mga dayuhan at hindi magkakaroon ng makabuluhang pagtugon sa sobra-sobrang pagtaas ng presyo ng langis.

Ano ang pangmatagalan at ganap na solusyon sa pagtataas ng presyo ng langis?

Isabansa ang industriya ng langis. Dapat isabansa ang indutriya ng langis at buong sektor ng enerhiya. Kailangang tapusin ang pagiging lubusang palaasa ng ating ekonomiya sa import, gayundin tapusin ang suliraning idinudulot ng monopolyo ng mga TNC sa industriya ng langis at enerhiya.

Dapat magkaroon ng komprehensibong programa ng pagsasabansa na tuluyang wawasak sa mga kartel at magbibigay daan upang maharap ng Pilipinas ang paghahanap ng mga alternatibo nito sa langis.

Magagawa lamang ito sa panahong ang lipunan at gubyerno ay malaya na sa dikta ng dayuhang interes at mamamayan na ang nagpapasya para sa pagtataguyog ng kanilang kolektibong interes at pagbubuo ng lipunang tunay na malaya at masagana.

Sanggunian at mga tala:

Imperyalistang Krisis at Pagtaas ng Presyo ng Langis, Institute of Political Economy, Agosto 2005
Hinggil sa pagtaas ng presyo ng langis, Anakbayan, Nobyembre 2007
The Oil Crunch, Benjie Oliveros, Bulatlat.com, November 2007 (http://bulatlat.com/2007/11/oil-crunch)
Strong Peso Meaningless amid High Oil Prices, IBON features, November 2007, (http://www.bulatlat.com/2007/11/strong-peso-meaningless-amid-high-oil-prices)
Ilang tala hinggil sa pagtataas ng presyo ng langis, IBON databank, 2007
Monopolyo, Inc, (http://www.philippinerevolution.net/pib/primers/200205_oil.shtml)
BAYAN National Situationer, October 2007
Oil Prices increase for the nth time, PDI, Nov 18, 2007 (http://newsinfo.inquirer.net/breakingnews/nation/view_article.php?article_id=101514)
Shell to earn P550,000 per hour, May 1999, (http://dannyarao.com/pr99-9.html)