Pagdiriwang ng Pasismo sa Sentenaryo ng UP

Reposted from RA Dulce’s Multiply blog

Gabi ng Jan. 8, ang Kick-off ceremony ng UP Centennial celebrations. Tinangka ng mga miyembro ng University Student Council ng UP Diliman, UP Manila, at UPLB, ang magladlad ng streamer sa harap ng entablado ng programa habang inaawit ang UP Naming Mahal. Hindi pa nakakaabot ng 2 hakbang ay pinagtutulak at pinagsasaktan ng mga UP Police at SSB (mga dagdag na gwardya sa Diliman) ang mga Councilors.

Alam ko ito dahil ako mismo ang nakaranas ng pananakit.

Mula sa karanasan ko sa mga mararahas na mga rally sa Mendiola, sinikap ko kunin ang mga pangalan ng mga pulis na halos suntukin at sipain kami kahit na balak lang naming magladlad ng mapaya ng isang streamer kung saan simpleng nakasulat ang mga salitang SERVE THE PEOPLE. Pero tulad ng mga pulis na namamalo mula sa WPD (Western Police District), malaking violation ang nakatanggal ang kanilang mga nameplates, siyempre para maitago ang kanilang mga identitad mula sa posibleng paghahabla namin sa kanila.

Yung isang Councilor mula UP Manila, halos tumilapon na siya sa mga nakalatag na mga malalaking drums malapit sa amin. Yung dalawa namang maliit na babae na kasama namin, nasasakal na ng streamer dahil nakabalot na sa kanila na parang sawa sa kakatulak sa kanila.

Hindi ito ang unang pagkakataon na ipinakita ng Unibersidad ng Pilipinas ang kanyang madilim na mukha. Taong 2003 ng kinaladkad sa kalsada ang mga iilang estudyante na nagpoprotesta laban sa UP Charter Bill na ipinasa ni Sen. Kiko Pangilinan. Dahil umano nakaharang ang mga estudyante, pinaghahatak lang ng mga UP Police ang mga estudyante at sa sobrang lakas ay may mga tumilapon sa kalsada.

2004 naman ng may nabaldadong estudyante sa UPLB pagkatapos dahasin ng mga UP Police ang isang tradisyunal na lightning rally sa tradisyunal na freshie assembly. Isa ito sa mga napaka-raming kontrobersiya na kinasangkutan ng dating UPLB Chancellor na si David, ang pinaka-unpopular na Chancellor sa buong kasaysayan ng UPLB.

Noong nakaraang Lantern Parade, pinagsasakal at pinagsisipa ng mga SSB ang mga ilang estudyante na nagtangkang umakyat sa entablado sa Quezon Hall pagkatapos pigilan ng UP Admin na magpresenta ang STAND UP (Student Alliance for the Advancement of Democratic Rights in UP) at ang mga taga komunidad ng UP na nagpoprotesta laban sa demolisyon.

– Did not pose a threat to anyone

Sa lahat ng mga nabanggit na ehemplo, malinaw na walang threat sa seguridad ng mga akala-natin na kapita-pitagang mga opisyal ng ating Unibersidad. Kung sa usapin ng Jan. 8, walang nagtangkang lumapit kay Roman. Ang tanging balak ay ang magladlad ng isang streamer kung saan nakasulat ang Serve The People. Threat na ba sa kanilang seguridad ang tatlong salita na iyon?

Walang nanuntok, walang nanipa sa mga estudyante. Sa madaling salita, wala silang kalaban-laban. Walang bato, walang nambato, walang pillbox, walang molotov cocktails na mga simbolo ng mga riot. Sa madaling salita, walang kahit isang pruyeba na dugo at gulo ang hanap ng mga estudyante.

Kung tutuusin, matagal ng tradisyon sa ating Unibersidad ang mga demonstrasyon. Hindi natin makakaila na may mga nagiging bayolente sa matagal na kasaysayan ng UP, pero sa recent history, walang pangyayari na masasabi nating pruyeba na may potensyal maging bayolente ang mga estudyante.

At kung tutuusin, ano ang kinakatakutan ng Adminstrasyon sa tatlong salita sa aming streamer? Ito ba ay sobrang taliwas sa diwa ng Centennial, at sa diwa ng University of the Philippines? Ang UP na naging sentro ng protesta sa ilalim ni Marcos gayong nanginginig sa takot ang buong Pilipinas, ang UP na naging sentro ng protesta laban kay Erap, at ang UP na nagdeklara na haven para sa mga kaaway ni Gloria noong Proclamation 1017, ngayon ay takot na sa mga mapapayapang protesta? Malinaw na may mali dito.

Malaking pagka-ipokrito ang pinapakita ng UP Administration, lalo na ni Emerlinda Roman. Hindi na ako nagtataka kung bakit hindi na natin siya makikita, maririnig, o mababalitan na kinakampanya ang pagpapalaya sa ating dalawang desaparasidos na sila Karen at She. Tutal, ginagamit na rin niya ang mga sandata ng mga pwersa na nasa likod ng pagkakadukot ng dalawa. Ang UP Police ay walang pinagiba sa WPD na nagtutulo laway (kanina, tuwang tuwa sila sa pananakit sa amin) sa pagtanggol sa iilang square meters na hindi namin nila ikamamatay pag nakatungtong kami dun. Ang SSB naman, hindi na nakapagtataka ang ganyang asal nila pagka’t kung maaalala ng mga 2nd year at mas matanda pa, sa kanila ipinasok ang mga Marines na ipinakat sa loob ng UP para bantayan ang mga aktibista.

Hindi naman siguro katanga si Roman. Pero ngayon, hindi na rin ako sigurado. Alam naman natin na laging may dalawang kategorya ng pamamaraan ng paglulunsad ng pagbabago: sa mapayapag, ligal, at sumusunod sa batas na paraan; o ang marahas, bayolento, at labag sa batas na paraan. Ang paglulunsad ng mga demonstrasyon ay isang karapatan na ginagarantiya ng ating Saligang Batas. At kung hindi ito bayolente, hindi nito linalabag ang pagiging responsable na kinakailangan na kasama ng mga karapatan. Ano ang gustong mangyari ng UP Admin? Maging marahas sa mga susunod na kilos-protesta sa loob ng Unibersidad? Magsimula ng magdala ng mga bato at pillbox tulad nung mga demonstrasyon noong 60s? Magtumba at manunog nga mga sasakyan tulad ng ginagawa nila sa U.S? Sadyang guluhin ang mga klase gamit ang dahas tulad ng ginagawa nila sa France?

Ganun kasimple. Sa hindi nila pagrespeto sa karapatan ng mga kumikilos sa loob ng Sistema at ayon sa batas, sila rin ang naglilikha ng mga kinakatakutan nila.