Ano ang kinatatakutan ni Neri?
Published in PinoyWeekly
Ano ang kinatatakutan ni Neri?
Rodolfo Noel Lozada Jr*
MARAMI ang nagtatanong kung ano talaga ang nalalaman ni Romulo Neri hinggil sa NBN-ZTE laluna ang direktang pagkakasangkot dito ni Pangulong Arroyo. Matapos ang nakakagimbal na “Sec., may 200 ka dito” laban kay Benjamin Abalos, ang nalantad na dating tagapangulo ng Comelec (Commission on Elections), marami ang nadismaya sa pananahimik ni Neri nang tanungin ng mga senador hinggil sa pakikipag-usap kay Arroyo.
Walang pakikiusap, pangungulit at pananakot ang umubra para basagin niya ang kanyang Koda ng Omerta. Ang katanungan sa isipan ng taumbayan ay: Ano ang pinoprotektahan ni Neri sa paggamit niya ng “executive privilege” sa 12-oras na pagdinig ng Blue Ribbon Committe ng Senado na ipinalabas sa telebisyon?
Alam natin ang Katotohanan bilang isa sa iilang taong nakakausap ni Neri noong mga araw ng Abril 2006, at kung paano niya ginustong magbitiw sa puwesto bilang Director-General ng Neda (National Economic Development Authority) at Secretary for Socio-Economic Planning dahil sa insidenteng ito, kung saan, nawalan siya ng respetong moral kay Pang. Arroyo.
Ginawa natin ang dokumentong ito para maintindihan ng publiko ang sigalot na ito.
Mga nalalaman ni Neri
Ano ang ikinakatakot sabihin ni Neri sa publiko? Natatakot siyang sabihing matapos iulat ang P200 Milyong alok na suhol ni Abalos, sinabihan siya ni Arroyo na balewalain ito at atupagin ang rekomendasyong aprubahan ang proyekto. At nang magprotesta siya na masyadong kontrobersiyal ito at makaakit ng maling klaseng atensiyon sa midya, sinabi ni Arroyo na “Pakulo lang ni Joey yan at ng Ano ang kinatatakutan ni Neri?
Batid ni Romulo Neri ang direktang pagkakasangkot ni Pangulong Arroyo sa kontrobersiyal na NBN-ZTE. Maraming dahilan bakit natatakot siyang humarap sa Senado.tatay niya”.
Nang sabihin niya na maaaring hindi makasama ang proyekto sa paketeng ODA (Official Development Assistance) ng China dahil masyadong marami nang proyekto ang China, sinabi ni Arroyo na tanggalin ang proyektong low-cost housing at isang water project para maipasok ang kasunduang NBN-ZTE sa pautang ng ODA.
Nang sabihin niyang baka hindi maisabay sa Boao Forum (sa China) na magaganap dalawang araw bago ang araw na iyon ng Abril, nagtaas ng boses si Arroyo at sinabing isabay ito sa adyenda ng Neda Board and Cabinet Committee, na tulad ng inaasaha’y agarang proyekto para bigyang-daan ang pagpirma ng kontrata sa pagitan ng ZTE at DOTC (Department of Transportation and Communication) sa China sa sumunod na araw. Natatakot si Neri na sabihin sa publiko na naganp ang pakikipag-usap niya kay Arroyo dahil baka sumiklab na naman ang isang impeachment complaint laban kay Arroyo.
Bakit natatakot si Neri na sabihin sa publiko ang pakikipag-usap kay Arroyo? Natatakot siyang magresulta ito sa mas maraming gastos ng pondo ng publiko tulad ng naganap sa impeachment crisis at Hyatt 10. Bilang kalihim ng DBM (Department of Budget and Management) na pumalit kay Emilia Boncodin, inutusan siyang mangasiwa ng malakihang mga operasyong payola ni Arroyo sa mga kongresista, senador at gobernador na hindi katulad ng krudong insidente kay Gob. Ed Panlilio na nasaksihan ng publiko. Natatakot siyang sa ilalim ng partisanong si Rolando Andaya Jr. sa DBM, mas maraming pondo ng publiko ang magagastos para bilhin ang katahimikan at pabor ng gahamang mga mambabatas at lokal na ehekutibo.
Natatakot siya na dahil sa mahigpit na kontrol ni Arroyo sa pondo ng publiko, maaari nitong bilhin ang kinakailangang suporta ng maraming sektor ng lipunan para manatili siya sa poder.
Takot
Nangangamba siyang kahit malaman ng oposisyon ang pakikipag-usap kay Arroyo, hindi itutuloy ng oposisyon ang seryosong impeachment proceeding laban kay Arroyo, dahil wala sa interes nila na maging pangulo si Noli de Castro. Natatakot siya na kahit malaman ng Simbahan ang katotohanan hinggil sa direktang pagkakasangkot ni Arroyo sa kasunduang NBN-ZTE, hindi mananawagan ang Simbahan ng pagbibitiw niya dahil sa malapit na relasyon ng pinagkakatiwalaang babaing liaison ni Arroyo sa Kardinal ng Maynila na naging epektibo noong krisis sa “Hello Garci.”
Natatakot siyang kahit malaman ito ng militar, malaki na ang pagkakautang ng pamunuan ng AFP (Armed Forces of the Philippines) para sa posisyon at mga bonus nila. Natatakot siyang kahit malaman ito ng midya, manlalamya ito sa harap ng pagdagsa ng salapi at pabor tulad ng kung papaano pinatay ang mga hedlayn at coverage sa TV at radyo noong panahon ng Hyatt 10 at krisis sa “Hello Garci.”
Natakot siyang kahit malaman ito ng sektor ng negosyo, magdadalawang-isip ang mga negosyante na makisangkot, laluna’t may malapit na personal at pangnegosyong relasyon sa Palasyo ang sinasabing mga lider ng malalaking negosyo tulad nina Ricky Razon ng ICTSI, Donald Dee ng PCCI at Francis Chua ng Filipino-Chinese Federation. Natatakot siya na kahit malaman ito ng Civil Society, maaaring pagod na ito sa mga aksiyong masa matapos masaksihan ang dalawang pag-aalsang Edsa. Natatakot siyang kahit malaman ng masa, ng mga estudyante, at mga manggagawa ang katotohanan, lugmok na sila sa hirap at wala nang panahong lumahok sa mga aksiyong laban sa mga abuso ng administrasyong Arroyo.
Natatakot siyang hindi rin naman malalaman ang saklaw ng korupsiyon sa bansa at hindi rin maniniwala ang publiko na masusugpo ang korupsiyon kung papalitan lang si Arroyo ng ibang tao. Natatakot siyang di makikita ng publiko ang sistematiko at institusyonal na pinagmumulan ng korupsiyon sa bansa. Natatakot siyang baka hindi maisip ng taumbayan na madali lang mapabagsak si Arroyo, pero mahirap magtatag ng bagong kaayusan.
Ito ang problemang bumabagabag kay Neri na gusto kong ipaalam sa taumbayan sa paghiling natin sa kanya na sabihin ang katotohanan.
*Ang sulating ito ay pinaiksing salin ng “What is Neri afraid of and why?” na ipinakalat ni Enteng Romano ng Black & White Movement. Ayon kay Romano, sinulat ito ni Lozada noong Oktubre 2007, sa kasagsagan ng unang mga pagdinig ng Senado sa NBN-ZTE. Ayaw daw noong ipagamit ni Lozada ang pangalan niya sa artikulo pero siniguro ni Romano: payag si Lozada na ipangalan ito sa kanya ngayon.
14th February 2008 | Filed under: Campaigns, Features | Click here to follow any responses to this entry: RSS 2.0 feed
Related Posts:
Fatal error: Call to undefined function similar_posts() in /home/lfs/lfs.ph/wp-content/themes/mimbo2.2/single.php on line 41