GMA dawit sa bagong testigo sa NBN-ZTE
GMA dawit sa bagong testigo sa NBN-ZTE
Ilang-Ilang Quijano
PinoyWeekly
POSIBLENG idawit ng isang bagong testigo si Pangulong Arroyo at iba pang opisyal ng Malakanyang sa anomalyang National Broadband Network-ZTE, ayon kay Sen. Alan Peter Cayetano, tagapangulo ng Blue Ribbon Committee.
nihayag ni Cayetano na haharap sa Senado ang isang nakatataas na opisyal ng gobyerno sa susunod na linggo. Pareho ang antas ng posisyon sa gobyerno ng bagong testigo at ni Romulo Neri, dating direktor ng National Economic Development Authority, sabi ng senador.
“Hindi na ako makapagsasalita pa dahil magdedesisyon pa siya (testigo) kung haharap o hindi. Pero tiwala kaming haharap siya,” aniya.
Kilala umano ng bagong testigo ang lahat ng mga personalidad na sangkot sa maanomalyang $329 Milyong kontrata at mas maraming nalalaman hinggil dito kaysa kay Rodolfo Noel Lozada Jr. Umano’y nagkaroon ng lakas na loob ang bagong testigo na magsalita dahil sa paglalantad ni Lozada.
Ayon naman kay Sen. Panfilo Lacson, dapa ingatan na hindi malantad ang pangalan ng bagong testigo bago ito humarap sa Senado.
Malamang na muling gagawa ng mga hakbang ang Malakanyang para pigilan ang kanyang testimonya, anang senador.
Iimbitahan din ng Senado sa susunod na pagdinig sina Unang Ginoo Mike Arroyo, dating Comelec chairman Benjamin Abalos, at negosyanteng si Enrique Razon na di umano, sangkot sa anomalya.
Samantala, kinumpirma ni deputy executive secretary Manuel Gaite na binigyan niya ng P500,000 si Lozada. Ibinunyag ni Lozada na para umano’y patahimikin siya, ibinigay ni Gaite ang pera bago siya lumipad sa Hong Kong. Isinauli niya ang pera sa Senado noong Pebrero 18.
Pero giit ni Gaite, hindi galing sa kaban ng bayan ang pera. Aniya’y hiningi lang ito ni Lozada dahil nauubusan na siya diumano ng pera at kailangan bumili ng damit na panglamig.
Karaban ng kabataan
Nagsimula noong Pebrero 19 ang karaban ng Youth ACT Now! (Youth for Accountability and Truth Now!) sa mga eskuwelahan bilang suporta sa testimonya ni Lozada.
Sa unang buhos ng Campus Tour for Truth sa Polytechnic University of the Philippines sa Sta. Mesa, Maynila, dinaluhan ng mahigit 1,000 estudyante, maging ng mga guro ang naturang talakayan na pinangunahan ng mga tagasuporta ni Lozada.
Nakamamangha ang naging tugon ng mga kabataan sa karaban. Kitang-kita mo na talagang uhaw sila sa katotohan hinggil sa mainit na usapin ng ZTE na umuusok ngayon sa Senado,” sabi Alvin Peters, pangulo ng National Union of Students of the Philippines, at isa sa mga tagapagtatag ng Youth ACT Now!.
“Ikakampanya namin nang husto sa mga student council at maging sa mga propesor at administrador ng mga paaralan, ang pagsikhay sa katotohanan na may kinalaman sa korupsiyon sa gobyerno,” sabi pa ni Peters.
‘Gobyerno, linisin’
“Paglilinis sa gobyerno” sa pamamagitan ng pagbibitiw nina Sek. Lito Atienza ng DENR (Department of Environment and Natural Resources) at Arroyo ang mungkahi ng Enraged (Environment and Natural Resource Advocates for GMA’s Expulsion), kalipunan ng mga environmentalist na kontra-Arroyo.
Nagpiket sila sa harap ng tanggapan ng DENR (Department of Environment and Natural Resources) sa Quezon City, noong umaga ng Pebrero 19 bitbit ang mga walis-tingting bilang simbolo ng “paglilinis sa gobyerno.”
Ayon kay Clemente Bautista, Jr., tagapag-ugnay ng Enraged, mas mainam para sa bansa ang tuluyang “paglilinis” sa administrasyong Arroyo sa pamamagitan ng pagbaba sa puwesto ng mga korap na opisyal nito, katulad ni Kal. Lito Atienza ng DENR.
25th February 2008 | Filed under: Burning Issues | Click here to follow any responses to this entry: RSS 2.0 feed
Related Posts:
Fatal error: Call to undefined function similar_posts() in /home/lfs/lfs.ph/wp-content/themes/mimbo2.2/single.php on line 41