Ang kahungkagan ng posturang maka-magsasaka ng mga oportunista

Walo sa bawat sampung magsasaka sa Pilipinas ang wala pa ring sariling lupa ngayon. Ito ay sa kabila ng 20 implementasyon ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).

Sa totoo, sa halip na makapagpamahagi ng lupa tulad ng ipinapangako nito at ipinangangalandakan ni Arroyo,
lalo lamang nitong prinotektahan ang interes ng mga panginoong may lupa at pinalala ang pyudal na pagsasamantala sa mga magsasaka.

Sadyang napakababa ng lupaing saklaw ng CARP. Sa halos 13 milyong ektaryang lupaing agrikultural sa bansa, 65.9% o 8.31 milyong ektarya ang hindi saklaw ng huwad na programa.

Sa kasalukuyan, 80% ng lupaing ito ang kontrolado pa rin ng mga PML.

Samu’t saring mga pakana ang ipinapahintulot ng CARP upang mapanatili sa kamay ng mga PML ang kontrol sa lupa. Kabilang dito ang paghahati-hati ng malalaking lupain sa maliliit na parsela, pamamahagi ng lupa sa mga bogus na benepisyaryo sa pamamagitan ng Voluntary Land Transfer/Direct Payment Scheme, Leaseback/Buy-back Scheme, Crop Conversion/Land Conversion Scheme, Contract Growing Scheme, Cooperative Scheme, Corporative Scheme, Stock Distribution Option at iba pang katulad na iskema.

Tampok na halimbawa ang paggamit ng SDO upang maipagkait sa 5,300 na mga magsasaka ang 6,453 ektaryang Hacienda Luisita sa Tarlac.

Sa datos mismo ng gobyerno, 1.9 milyong ektarya lamang ng pribadong lupaing agrikultural ang naipamahagi sa mga magsasaka simula noong 1988. Sa 1.9M ektaryang naipamahagi ng gobyerno, 82% nito ay may kaso pa, at wala pang aktwal o pisikal na pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka.

Bukod sa pakikipagsabwatan sa mga PML, ginagamit rin ng rehimeng Arroyo ang CARP upang makapagkulimbat ng limpak-limpak na salapi para sa sarili nitong bulsa. Sa nakalipas na sampung taon (1998-2007), umabot sa P119 bilyon ang ginastos ng gobyerno sa implementasyon nito.

Sadyang inutil ang CARP para makamit ng mga magsasaka ang tunay na reporma sa lupa. Siniguro ito ng mga PML na kabilang sa kongresong nag-apruba nito. Kaya’t hindi nakapagtataka na tinatahak ng mga magsasaka sa kanayunan ang landas ng armadong pakikibaka at ang kakabit nitong rebolusyong agraryo upang makamit ang kanilang maka-uring interes.

Sa loob naman ng reaksyunaryong kongreso, isinusulong ng mga progresibong partylist ang Genuine Agrarian Reform Bill (GARB) sa kabila ng puspusang pagharang ng rehimeng US-Arroyo at mga kasabwat nitong PML. Habang itinutulak ng mga kontra-rebolusyonaryo at ng rehimenng US-Arroyo ang ekstensyon ng CARP, patuloy naman ang pagsulong ng tunay na repormang agraryo sa iba’t ibang antas at larangan ng pakikibaka tungo sa tagumpay. #

Share



29th June 2008 | Filed under: Analysis | Click here to follow any responses to this entry: RSS 2.0 feed

Want our posts delivered to you via email?

Related Posts:


Fatal error: Call to undefined function similar_posts() in /home/lfs/lfs.ph/wp-content/themes/mimbo2.2/single.php on line 41