Aritmetik: krisis ng edukasyon ayon sa mga numero
Sa isang iglap:
Badyet ng DepEd sa 2008 P138 Bilyon
Katumbas na arawang badyet kada estudyante P11
Presyo ng isang bala ng M16 P14
Pinagsama-samang kita ng 9 paaralang kabilang sa top 1,000 corps P1.13 Bilyon
Porsiyento ng itinaas ng matrikula sa NCR mula 2001 118.53 %
Bilang ng grumagradweyt ng kolehiyo sa bawat 100 14
Bilang ng Out of School Youth 11,600,000
Dahil sa mga pakana ng rehimeng Arroyo, nananatiling pangarap na lamang sa maraming kabataang Pilipino ang makapag-aral at makapagtapos.
Ayon sa datos ng DepEd, 58 lamang sa bawat 100 estudyante na pumapasok ng Grade 1 ang nakakatuntong ng high school at 14 lamang sa mga ito ang makakapagtapos ng kolehiyo.
Sa pag-aaral naman ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) Commission in the Philippines, 22 porsiyento lamang ng mga pumapasok na freshman o 1st year sa kolehiyo ang nakakaabot sa 4th year. Noong taong 2004, nasa 73 porsiyento ang drop out rate sa kolehiyo sa pag-aaral ng isang business think-tank.
Ngayong taon, 378 sa mahigit 1,800 pribadong kolehiyo at unibersidad sa bansa ang nagtaas ng matrikula. Tumaas ng 9.93 porsiyento ang matrikula o P38.92 mula ng nakaraang taon na naglagay sa national average tuition rate sa P437.10 kada yunit.
Sa National Capital Region naman, pumalo na sa P855.20 kada yunit ang average tuition rate, kung saan 90 sa 309 eskwelahan ang nagtaas ng matrikula sa average na 8.51 porsiyento mula ng nakaraang taon. Ito ay mataas kumpara sa datos ng nakaraang taon kung saan 88 paaralan ang nagtaas ng matrikula sa average na 7.66 porsiyento.
Batay sa datos ng CHED, tumataas sa average na 10 hanggang 12 porsiyento ang matrikula sa nakalipas na walong taon. Hindi tuloy nakapagtataka na kabilang ang mga paaralang tulad ng Centro Escolar Univeristy, Mapua, FEU, University of the East, Philippine Maritime Institute, Technological Institute of the Philippines, AMA Computer University at STI College.
Subalit, hindi lamang sa matrikula humuhuthot ang mga ganid na paaralang ito. Sa likod ng mga pakulong “No Tuition Increase,” mala-kabute ang pagsusulputan ng mga iba’t ibang mga bayaring sinisingil sa mga paaralan. Ilan sa hungkag na bayarin na sinisingil sa mga estudyante ay ang postal fee, insurance fee, Smart fee at copier fee sa AMA Computer University; power charge fee sa Trinity University of Asia; Land Infrastructure Maintenance and Acquisition Development fee sa University of the Cordilleras; accreditation fee sa Technological Institute of the Philippines; at pre-registration fee sa Aquinas University sa Albay.
Naniningil din ang Philippine Maritime Institute ng Safety on Land and Seas fee sa halagang P5,000 hanggang P6,000 kada mag-aaral habang pinagbabayad naman ang mga estudyante sa University of the East sa Maynila ng cultural fee sa halagang P162 at internet fee sa halagang P976. Nakakapagtaka ring naniningil ang Asian School of Arts and Sciences ng P250 para sa athletics fee gayong wala itong sariling varsity team.
Dahil sa patuloy na pagtaas ng halaga ng edukasyon sa mga pribadong paaralan, tila naglulunsad ng exodus ang mga estudyante tungo sa mga State Colleges and Univesities (SCUs).
Noong kalagitnaan ng dekada 90, 21 porsiyento ng mga nasa kolehiyo ay pumapasok sa mga SUCs at sa kasalukuyan ay nasa halos 40 porsiyento na ng mga mag-aaral sa kolehiyo.
Subalit, walang matatagpuang ginhawa ang mga estudyanteng ito pagka’t ang madadatnan lamang nila ay papatinding komersyalisasyon sa mga SUC.
Noong nakaraang taon lamang, tumaas ng 300 porsiyento ang matrikula sa UP o P1,000 kada yunit mula sa dating P300 kada yunit. Sa average, tumaas naman ang miscellaneous fees sa iba’t ibang UP unit sa P1,500-P2,000 mula sa P500-P800.
Tumaas naman ng 600 porsiyento ang matrikula sa Eulogio Amang Rodriguez Institute of Science and Technology (EARIST) sa Maynila – mula sa dating P15 kada yunit, nasa P100 kada yunit na ngayon ang matrikula roon. Nauna nang nagtaas ng matrikula ang Philippine Normal University ng 400 porsiyento noong 2003.
Kasabay ng pataas ng matrikula ang patuloy na pagbaba ng pondong inilalaan ng gobyerno sa edukasyon. Ang pagliit ng badyet sa edukasyon, partikular na sa mga SUCs, ay nakapaloob sa Long Term Higher Education Development Plan mula 2001-2010 (LTHEDP) ng gobyernong Arroyo na nagtatakda ng mga sumusunod na target sa taong 2010: pagbabawas ng bilang ng SUCs ng 20 porsiyento; pagpapatakbo sa 6 na SUCs tulad ng isang ’semi-corporation;’ 20 porsiyento ng mga SUCs ay nangangalap ng pondo mula sa pagbebenta ng mga intellectual property ng guro at mag-aaral nito; 50 porsiyento ng mga SUCs ay kumikita sa pamamagitan ng mga income-generating projects; 60 porsiyento ng SUCs ay may kolaborasyon kasama ang mga pribadong korporasyon; at 70 porsiyento ng mga SUCs ay nagpapataw na ng matrikula katumbas ng sinisingil sa mga pribadong unibersidad.
Dahil sa LTHEDP at iba pang mga patakaran ng rehimeng US-Arroyo sa edukasyon, mananatiling madilim ang kinabukasan ng milyun-milyong kabataang Pilipino. Nananatiling isang pangarap na lamang ang makapag-aral at makapag-tapos para sa dumaraming bilang ng kabataang Pilipino dahil sa kataksilan ni Arroyo.
Tanging sa pagpapatalsik sa rehimen at pagsusulong ng isang makabayan, syentipiko, at pangmasang edukasyon makaka-asa ang kabataan ng isang magandang bukas. #
Ang artikulong ito ay una nang nailathala sa Commitment, opsiyal na pahayagan ng LFS. Maaaring magdownload ng kopya dito.
29th June 2008 | Filed under: Features | Click here to follow any responses to this entry: RSS 2.0 feed
Related Posts:
Fatal error: Call to undefined function similar_posts() in /home/.rema/lfs/lfs.ph/wp-content/themes/mimbo2.2/single.php on line 41