Pagbisita sa pamilya ni Ambo Guran

ni Ron Villegas

Rie Mon GuranIsa lang daw ang kilala sa pangalang Rambo sa kanilang bayan sa Bulan, Sorsogon. Kahit sinuman sa mga residente ng bayan ang tanungin mo kung saan siya nakatira, isang bahay lamang ang kanilang ituturo. Nakilala siya sa kanilang bayan bilang isang mahusay na lider-estudyante. Subalit sa kalakhan, una nating narinig ang kanyang pangalan bilang isang kabataang minartir ng kasalukuyang pasistang gobyerno.

Nitong nakaraang Mayo, nakatanggap kami ng balita na narito raw sa Maynila ang mga magulang ni Rei Mon Guran, ang kanyang Ama ay sumama pa sa rally noong Mayo Uno. Dito na rin daw siya magdiriwang ng kanyang kaarawan. Kasama ang iba pa nating lider at kasapi, nagpunta kami sa kanilang tinutuluyan upang batiin siya sa kanyang kaarawan, makipagkumustahan, at makipagkuwentuhan.

Pagdating namin sa kanila, una naming naka-kuwentuhan si Nanay. Ayon sa kanya, inihatid pa niya si Ambo sa istasyon ng bus noong araw na pagbabarilin ng mga elemento ng militar ang kanyang anak. Pagdating niya sa bahay, nakatanggap siya ng mensahe sa kanyang cellphone na nagpapabalik sa kanya sa istasyon. Sa kanyang pagbabalik, nagulat na lamang siya sa dami ng tao. Maya-maya niya na lamang nalaman na ang pinagkakaguluhan pala ay ang kanyang duguang anak na binawian na ng buhay.

Ikuwinento rin ni Nanay kung paano nakiramay ang mga residente ng Bulan, kung saan ang libing ni Ambo ay naging martsa-protesta na rin ng kanyang mga kaibigan, kaklase at kasama. Sa umpisa, hiniling pa raw ni Nanay na huwag mag-rarally sa libing subalit hindi na rin niya napigilan ang mga kaibigan ni Ambo dahil sa matinding emosyon na kanilang nararamdaman.
Naisip ko, mas matutuwa si Ambo na ideretso sa estado ang pagluluksa ng kanyang mga kaibigan. Pagtaas ng kamao, kahit may gumigilid na luha sa mga mata.

Hindi rin namin malilimutan ang kuwento ni Nanay sa kung paano hinahanap ng kanilang pamilya ang hustisya, hindi lamang para kay Ambo, kundi para kay Cris, kay Farley, at sa marami pang katulad nilang nasa listahan ng mga pinaslang ng rehimen.

Ilang saglit pa’y dumating na rin si Tatay. Agad kong naalala ang kanyang mukha. Siya nga pala ay sumama na sa Mendiola noong komemorasyon ng deklarasyon ng Martial Law noong Setyembre ng nakaraang taon. Paliwanag niya, nang tawagin siya ng Emcee para magsalita, hindi siya nagtungo sa harapan pagka’t hindi rin daw natin maiintindihan ang kanyang sasabihin dahil pangungunahan na siya ng pag-iyak.

Kuwento naman ni Tatay, ilang buwan bago maganap ang pamamaslang kay Ambo, humihiwalay na ito sa kanyang pamilya para sa kanilang seguridad. Kapag kumakain sila sa fastfood, sa ibang lamesa siya umuupo. Tila inaasahan na niya ang masamang balak sa kanya ng militar.

Sabi raw ni Ambo, sa PUP raw niya gustong magkolehiyo noon dahil ito ay may mahabang tradisyon ng aktibismo. Sago naman ng kanyang tatay, kaya na raw ng mga taga-PUP at wala nang maiaambag na malaki si Ambo kaya mas mainam na sa ibang paaralan na lamang siya mag-aral. Sa UPLB kung saan unang tumungtong ng kolehiyo si Ambo, agad siyang nakipag-ugnayan sa mga aktibista roon. Kuwento ni Tatay, tuwing bumibisita ito sa UPLB, itinuturo pa ni Ambo ang mga nakasulat na panawagan sa pader na siya ang may gawa.

Para sa kanyang magulang, si Ambo ay isang modelong anak. Malambing, mapagmahal, at bukas sa kanyang mga magulang. Mahilig daw nitong ipagprito ng itlog ang kanyang tatay. Hindi rin daw sila nagulat sa desisyon niyang maging isang aktibista pagka’t matagal na itong nagpapakita ng pagmamalasakit sa kapwa.

Madalas daw na hindi ito nagpapaalam at kumukuha ng pagkain sa kanilang bahay upang ipamigay sa iba. Nang punahin siya ng kanyang mga magulang, tinanong niya sila,
“bakit tayo masarap ang pagkain habang marami ang wala?”

Sa pagitan ng pagpunas sa kanyang mga luha, ipinangako sa amin ni Tatay kung paano nila ipagpapatuloy ang pakikibaka kung saan naging bahagi ang kanilang anak. Alam ng kanyang mga magulang na wala nang ibang maaaring pumaslang kay Ambo bukod sa militar.

Nabawasan man ang ating hanay ng isang kasapi, isang buong pamilya naman ang agad na kanya ay pumalit. Tiyak, daan-daan pa dahil sa bawat buhay na kinikitil, nalalantad ang pasistang katangian ng estado at naipapakita na ang tanging landas tungo sa katarungan at pagbabago ay sa militanteng pakikibaka.

Bago kami nagpaalam, nag-iwan kami kina Nanay ng isang plake ng pagpupugay para kay Ambo at isang bandila ng LFS kung saan nakatatak ang logo ng organisasyon na nagsisilbi na ring bantayog hindi lamang kina Ambo at Cris kundi sa lahat ng bayani ng organisasyon.

Bilang kapalit, binigyan kani ni Nanay ng T-shirt na nananawagan ng katarungan para kay Ambo. Subalit, wala nang mas mainam pang pabaon pauwi kundi ang alaala na matibay pa rin ang pamilya Guran sa mga prinsipyo’t paninindigang isinabuhay ni Ambo.

Bukod sa mga kuwento, matinding ahitasyon ang aking binaon pauwi sa bahay. Panibagong determinasyong ipagpatuloy ang puspusang pakikibaka hanggang sa mapula nitong tagumpay.

Ito ang pinakamataas na pagbibigay-pugay sa kanilang mga martir. Magaganda man ang mga tula, sanaysay at awiting isusulat sa kanila, wala nang mas papantay pa sa pagsusulong ng pambansang demokrasya sa lahat ng antas ng pakikibaka.

Bagama’t saglit lamang ang pagdaan nila sa mundo, mabigat at makabuluhan naman ang iniwan nilang mga yapak. Inialay nila ang kanilang buhay sa kapwa at sa bayan. Tungkulin nating siguruhin na hindi mawawalan ng saysay ang kanilang buhay at kamatayan. Tungkulin nating hindi sila malilimot. Hindi sila malilimot.#

Video tribute for Ambo: