Pambobola sa Balik-skwela: Kung bakit hungkag ang moratorium sa tuition
1. Tuloy-tuloy pa rin ang pagdagdag ng mga bayarin at pagmahal ng gastusin sa mga paaralan.
• Sa mga state university at colleges, patuloy ang pagtataas ng mga ibang bayarin gaya ng mga laboratory fees, miscellaneaous at kahit ng tuition. Ayon sa CHEd, hindi nila maisasama ang mga ito sa moratorium.
Sa UP, ang mga kursong dating walang laboratory fees sa iba’t ibang kolehiyo, ngayon ay may mahigit P1,000 na mga bagong bayarin.
Sa PUP, mula sa dating wala, ngayon, may dagdag na P250 na developmental fee, P800 na energy fee, at iba pang mga singilin. Ang tuition sa open university nito ay nag-increase din mula P12 to P100 o mahigit 800%.
• Matagal na ring nakapagtaas ng matrikula sa karamihan ng mga SUC at dahil wala naman sa utos ng rehimen ang rollback sa mga ito, patuloy ang pagdurusa ng mga mag-aaral.
Ang UP, sinalanta ng 300% na pagtaas ng matrikula mula P300 kada yunit hanggang P1,000 pesos kada yunit (o mula P7,000 per sem hanggang P21,000 per sem) noong nakaraang taon at patuloy itong ipapatupad ngayon sa kabila ng epekto nito sa enrolment at aksesibilidad ng edukasyong UP.
Ang EARIST, isa sa mga paaralang may pinakamurang matrikula, ay nagtaas mula P15 hanggang P100 per yunit noon ding nakaraang taon.
• Malaking kalokohan na hindi isama ang mga pribadong paaralan sa tuition moratorium gayong di hamak na mas marami ang mga pribadong paaralan at sila ang pinakatalamak sa walang katwirang pagtataas ng matrikula. Pinapakita nito ang kainutilan ng gubyerno at CHEd sa paggampan sa gawain nito at pagkampi ng mga ito sa mga kumikita ng limpak limpak sa panghuhuthot ng mataas na matrikula sa mag-aaral.
Tuloy ang pagtataas ng may 378 na paaralan ng kanilang matrikula sa average na 10% sa buong bansa. Hindi ito makatwiran sa dahilang napakataas na ng mga bayarin at hindi makatwiran ang mga nagiging pagtataas ng matrikula sa pribadong paaralan nitong mga nakaraang taon.
Sa katunayan, kasama ang malalaking pribadong paaralan gayan ng UE, FEATI, CEU, Mapua at FEU sa top 1,000 corporations sa bansa na kumikita ng bilyon bilyong piso.
2. Si Arroyo at ang kanyang anti-estudyanteng mga patakaran ang siyang pangunahing salarin sa krisis sa edukasyon at hindi ito maitatago ng kanyang mga pekeng pahayag.
• Simula ng maluklok sa poder, pinabayaan ni Arroyo ang sobra-sobrang pagtataas ng matrikula sa pribadong mga kolehiyo at binawi pa nga ang mga probisyon na sana’y maglalagay ng limitasyon sa pagtataas ng matrikula.
Noon lamang Enero, inaprubahan ni Arroyo ang pagtanggal sa CHED Memo Order 14 na naglalagay ng tuition cap sa mga pribadong paaralan. Ang patakarang ito ay resulta sana ng matagal na pakikipagnegosasyon ng mga mag-aaral sa CHED.
• Patuloy ang pagkaltas ng gobyerno ni Arroyo sa subsidyong natatanggap ng mga SUCs habang itinutulak nito ang mga programang nagtutulak ng papatinding komersyalisasyon ng eduksasyon.
Simula ng maluklok si Arroyo, halos walang naging tunay na pagtaas ng badyet na inilalaan sa edukasyon. Sa halip, ipinatupad ang patakaran ng pagtataas ng matrikula sa UP, EARIST at marami pang mga paaralan.
3. Hindi totoong sososlusyunan kundi higit pang palalalain ng mga patakaran ni Arroyo ang mga prublema sa sistema ng edukasyon.
• Ang totoong ugat ng krisis sa edukasyon sa kasalukuyan ay ang pananatili ng oryentasyon nitong kolonyal, komersyalisado at pasista. Higit pa itong pinalala ng pagtataguyod ni Arroyo ng mga neoliberal na mga patakaran sa edukasyon.
Sa Long Term Higher Education Develpoment Plan (LTHEDP), Medium Term Education Development Plan (MTEDP) at Higher Education Modernization Plan (HEMA), itinutulak pa ng higit ang sistematikong pagpapababa sa subsidyo ng mga SUC, pagtataas ng matrikula at bayarin, at tuluyan ng pagbitaw ng gubyerno sa tungkulin nito sa edukasyon ng kabataan.
Desperadong hakbang lamang ang mga pahayag at pambobola ni Arroyo para pahupain ang galit ng mga kabataan laban sa kanyang rehimen at pigilan ang pagsambulat ng mga malawakang protesta at pagkilos ng mga kabataan para kanyang pagpapatalsik.
Dapat ilantad at labanan ng lubos ang mga kasinungalingan at pambubusabos na ito ng rehimeng Arroyo at higit na palakasin ang kilusang masa para sa kanyang kagyat na pagpapatalsik. Gayundin, dapat tuloy-tuloy na igiit ang karapatan ng lahat sa edukasyon at ipaglaban ang edukasyong tunay na makabayan, siyentipiko at pang-masa. #
Ang artikulong ito ay una nang nailathala sa Commitment, opsiyal na pahayagan ng LFS. Maaaring magdownload ng kopya dito.
29th June 2008 | Filed under: Features | Click here to follow any responses to this entry: RSS 2.0 feed
Related Posts:
Fatal error: Call to undefined function similar_posts() in /home/lfs/lfs.ph/wp-content/themes/mimbo2.2/single.php on line 41