Si Arroyo at ang lumalalang krisis sa edukasyon
Mula sa pag-aaral ng Kabataang Pinoy Party
July 2008
Itinuturing ang edukasyon bilang isang mahalagang sangkap ng kaunlarang pampulitika at pang-ekonomiya ng isang bansa.
Sa mga ordinayong pamilyang Pilipino, edukasyon ang nagsisilbing pinakamahalagang pamana na maaaring ibigay ng isang magulang sa kanyang anak. Ito raw ang susi para magkaroon ng magandang trabaho at makaangat sa buhay.
Subalit para sa karamihan ng kabataang Pinoy, ang kagustuhang mag-aral at makapagtapos ay mananatiling pangarap na lamang.
Tuition hike at drop out rate
Kada taon, libu-libong mag-aaral ang ninanakawan ng karapatang makapag-aral bunga ng patuloy na pagtaas ng halaga ng edukasyon. Sa bisa ng Batas Pambansa 232 o Education Act of 1982, malayang nakakapagtakda ng presyo ng matrikula at iba pang bayarin sa eskwela ang mga may-ari ng mga paaralan. Ito ang itinuturong pangunahing salarin sa walang ampat na pagtaas ng mga bayarin sa eskwela, dahilan para tuluyan nang di makapasok o magdrop out ang maraming bilang ng mga estudyante lalo na sa kolehiyo.
Sa mismong datos ng Department of Education (DepEd), 58 lamang sa bawat 100 estudyante na pumapasok ng Grade 1 ang nakakatuntong ng high school at 14 lamang sa mga ito ang makakapagtapos ng kolehiyo.
Sa pag-aaral naman ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) Commission in the Philippines, 22 porsiyento lamang ng mga pumapasok na freshman o 1st year sa kolehiyo ang nakakaabot sa 4th year. Noong taong 2004, nasa 73 porsiyento ang drop out rate sa kolehiyo sa pag-aaral ng isang business think-tank.
Ngayong taon, 378 sa mahigit 1,800 pribadong kolehiyo at unibersidad sa bansa ang nagtaas ng matrikula. Tumaas ng 9.93 porsiyento ang matrikula o P38.92 mula ng nakaraang taon na naglagay sa national average tuition rate sa P437.10 kada yunit. Ang bilang na ito ay mas mataas sa naunang ibinalita ng Commission on Higher Education (CHED) noong Mayo 15 kung saan nasa 364 na paaralan lamang ang nagtaas ng matrikula.
Sa National Capital Region naman, pumalo na sa P855.20 kada yunit ang average tuition rate, kung saan 90 sa 309 eskwelahan ang nagtaas ng matrikula sa average na 8.51 porsiyento mula ng nakaraang taon. Ito ay mataas kumpara sa datos ng nakaraang taon kung saan 88 paaralan ang nagtaas ng matrikula sa average na 7.66 porsiyento.
Sa pag-aaral na ginawa ng Kabataang Pinoy, tumaas ng 69.81 porsiyento ang national average tuition rate kada yunit mula nang maupo sa pwesto si Gng. Gloria Macapagal-Arroyo. Higit namang malaki ang inilobo ng matrikula sa NCR kung saan tumaas ng 118.53 porsiyento ang matrikula. Nasa P257.41 ang national average tuition at P391.34 sa NCR kada yunit noong school year 2000-2001 nang mag-umpisang manungkulan si Arroyo.
Batay sa datos ng CHED, tumataas sa average na 10 hanggang 12 porsiyento ang matrikula sa nakalipas na walong taon.
Kung magpapatuloy ang ganitong antas ng pagtaas ng matrikula sa susunod na dalawang taong akademiko, aabot na sa P548.30 kada yunit ang national average tuition pagdating ng 2010. Higit sa isang libo naman kada yunit o P1,072.76 ang magiging matrikula sa NCR.
Ang mga nabanggit na datos ay ang average tuition sa mga non-exclusive o mga ordinaryong pribadong paaaralan. Karamihan sa mga eksklusibo at kilalang pribadong eskwela ay naniningil ng matrikula na limang beses na mas malaki kumpara sa national average tuition.
Tinatayang aabot sa P200,000 kada taon ang binabayaran ng isang estudyante sa University of Asia and the Pacific habang 120,000 hanggang 130,000 naman sa Ateneo de Manila University. Nasa P150,000 hanggang 160,000 naman ang taunang bayarin sa De La Salle University at College of Saint Benilde na nagpapatupad ng trimester scheme o tatlong semestre kada taon.
Mayroon namang apat na semestre sa isang taong ang Mapua Institute of Technology. Ang isang Information Technology student sa Mapua, halimbawa, ay kailangang magbayad ng P37,986 kada semester para sa 15 yunit o P151, 944 kada taon.
Nasa P50,000 hanggang P80,000 naman ang matrikula sa ilang nursing schools katulad ng De La Salle University sa Dasmarinas, Cavite, Far Eastern University at Philippine Women’s University na nagpapatupad ng trimestral period.
Kaya naman hindi kataka-taka na maraming negosyante ang naaakit na sumosyo o magmay-ari na ng mga pribadong paaralan sa kolehiyo. Ang ilan sa kanila ay ang mga sumusunod:
Si Don Emilio Yap na tagapangulo ng Philippine Trust Company, publisher ng Manila Bulletin at may-ari ng Manila Hotel ay kabuuang sapi na 55 porsyento sa Centro Escolar University.
Nag-umpisa namang mamuhunan si Lucio Tan sa University of the East noong 1999. Si Tan ay itinuturing na pinakamayamang negosyante sa bansa na may personal net worth na $1.5 bilyon. Pag-aari niya ang Fortune Tobacco, Asia Breweries, Allied Bank at Philippine Airlines.
Nabili naman ng Yuchengco Group of Companies ang Mapua noong 1999. Pag-aari ng mga Yuchengco ang Malayan Insurance, Great Pacific Assurance (Grepa) Life Corporation at ang Rizal Commercial Banking Corporation.
Maging si Henry Sy na may-ari ng SM Group of Companies ay kasosyo na rin ng IBM sa Asia Pacific College.
Kilala naman ang mga Gokongwei sa pagbibigay ng pondo sa mga paaralang tulad ng Ateneo De Manila, University of San Carlos sa Cebu, Xavier University sa Cagayan De Oro at Immaculate Concepcion Academy sa Metro Manila.
Hindi na rin nakakapagtaka kung marami sa mga eskwelahang ito ay napapabilang taun-taon sa Top 1,000 corporations sa bansa sang-ayon sa listahan ng Securities and Exchange Commission simula 1996.
Ilan sa mga ‘suki’ ng nasabing listahan ay ang Centro Escolar Univeristy, Mapua, FEU, University of the East, Philippine Maritime Institute, Technological Institute of the Philippines, AMA Computer University at STI College.
Noong 2003, 9 na pribadong paaralan ang napabilang sa listahan at ang kanilang pinagsama-samang kita ay umabot sa P1.13 bilyon.
Isang malaking katanungan pa rin kung paano nakakalusot ito sa pagsusuri ng CHED gayong sa mismong polisiya nito, ang anumang pagtaas sa matrikula ay dapat mapunta sa sweldo at benepisyo ng mga guro at kawani (70 porsiyento), pagsasaayos ng mga pasilidad (20 porsiyento) at tanging 10 porsiyento lamang sa tinatawag na return of investment o kita.
Dagdag na bayarin
Sa pagtaya ng CHED, nasa 1,800 na ang bilang ng mga pribadong kolehiyo at unibersidad sa bansa, higit na mataas kumpara sa 1,316 pribadong paaralan limang taon pa lamang ang nakakalipas.
Karamihan sa mga paaralan na ito ay hindi tuwirang nagtataas ng matrikula kada taon. Kada enrolment, makikita ang naglalakihang “No Tuition Increase” sa harapan ng maraming eskwela upang mahikayat ang mga magulat at estudyante na piliin ang kanilang paaralan.
Subalit mapanlinlang ang ganitong mga pakulo. Kapalit ng di pagtataas ng matrikula ay ang pagtataas ng mga iba’t ibang bayarin sa eskwela at pagpapataw ng mga bago at kwestiyunableng miscellaneous fees.
Sa pag-aaral ng National Union of Students of the Philippines (NUSP), ilan sa hungkag na bayarin na sinisingil sa mga estudyante ay ang postal fee, insurance fee, Smart fee at copier fee sa AMA Computer University; power charge fee sa Trinity University of Asia; Land Infrastructure Maintenance and Acquisition Development fee sa University of the Cordilleras; accreditation fee sa Technological Institute of the Philippines; at pre-registration fee sa Aquinas University sa Albay.
Naniningil din ang Philippine Maritime Institute ng Safety on Land and Seas fee sa halagang P5,000 hanggang P6,000 kada mag-aaral habang pinagbabayad naman ang mga estudyante sa University of the East sa Maynila ng cultural fee sa halagang P162 at internet fee sa halagang P976. Nakakapagtaka ring naniningil ang Asian School of Arts and Sciences ng P250 para sa athletics fee gayong wala itong sariling varsity team.
Mismong CHED na rin ang umamin na kwestiyunable at hindi dapat sinisingil ang ganitong klaseng mga bayarin sa mga estudyante.
Noong 2004, tinawag ng dating CHED Executive Director Roger Perez na “downright ridiculous” ang mga sumusunod na bayarin: energy, guidance and counseling, aircon, social action, building at development fee.
Ito rin ang naging tugon ng kasalukuyang deputy executive director ng CHED na sa Julito Vitriolo sa mga panayam dito ng media tungkol sa miscellaneous fees. Aniya, hindi dapat naninigil ang mga eskwela ng mga bayarin tulad ng energy at development fees na walang direktang kaugnayan sa curriculum o kursong kinukuha ng isang mag-aaral.
Sa pagsuspindi sa tuition cap at ng CHED Memorandum Order (CMO) No. 14, at muling pagpapatupad ng CMO 13 (at ngayo’y kinakatawan sa CMO 16) Pebrero ng kasalukuyang taon, hindi kasama ang mga miscellaneous fees sa mga diumano’y demokratikong konsultasyon hinggil sa mga panukalang pagtaas ng matrikula na dapat ay isinasagawa sa mga pribadong paaralan. Nangangahulugan lamang ito na malayang magpataw ng kahit anong bayarin ang mga may-ari ng eskwelahan at itaas ito sa kahit anong antas kada taon.
Sa harap ng pagtaas ng matrikula at iba pang bayarin sa eskwela, nanatili namang inutil ang CHED at umaaktong tila isang kasapakat pa ng mga pribadong paaralan.
Exodus tungo sa SUCs
Malinaw ang naging resulta ng taunang pagtaas ng matrikula at iba pang bayarin sa mga pribadong unibersidad. Kada taon, papalaki ang bilang ng mga estudyante sa mga pribadong paaralan na lumilipat sa mga state universities and colleges (SUCs).
Sa tala ng CHED, 10 porsiyento lamang ng mga mag-aaral sa kolehiyo ang naka-enrol sa mga SUCs. Noong kalagitnaan ng dekada 90, umakyat ito sa 21 porsiyento at sa kasalukuyan ay nasa halos 40 porsiyento na ng mga mag-aaral sa kolehiyo.
Patunay nito ang lumalaking bilang ng mga kumukuha ng entrance exam sa mga SUCs tulad ng UP at Polytechnic University of the Philippines.
Noong nakaraang taon, nasa 66,000 ang kumuha ng UP College Admission Test (UPCAT) para sa kasalukuyang school year. Subalit kada taon, nasa average na 12,000 aplikante lamang ang tinatanggap sa unibersidad. Halimbawa, mahigit sa 14,000 ang nagnanais na makapasok sa UP College of Nursing kada taon ngunit 70 o 0.5 porsiyento lamang ang natatanggap.
Mahigit 40,000 libo namang ang kumukuha ng PUP College Entrance Test (PUPCET) sa main campus pa lamang nito sa Maynila, subalit nasa 10 hanggang 13 libo lamang ang tinatanggap ng PUP kada taon. Isa sa mga pinakamababang passing rate sa PUPCET ay naitala noong 2006 kung saan 7,357 lamang ang pumasa sa exam.
Hindi lamang ang limitadong slot ang problemang kinakaharap ng mga transferee at bagong mag-aaral. Sa nakalipas ng mga taon, sunud-sunod ang naging pagtaas ng matrikula at iba pang mga bayarin sa mga SUCs bunga ng taunang budget cut at pagpapatupad ng mga polisiya ng kasalukuyang pamahalaan sa edukasyon.
Ang mga SUCs na sana’y huling pagkakataon para sa mga ordinaryo at mahirap na mga kabataan na makatuntong at makatapos ng kolehiya ay batbat na rin ng katulad na mga problema na nararanasan ng mga estudyante sa mga pribadong unibersidad.
Noong nakaraang taon lamang, tumaas ng 300 porsiyento ang matrikula sa UP o P1,000 kada yunit mula sa dating P300 kada yunit. Sa average, tumaas naman ang miscellaneous fees sa iba’t ibang UP unit sa P1,500-P2,000 mula sa P500-P800. Bunga nito, umabot sa 20-40 porsiyento ang no-show rate sa enrolment noong nakaraang taon, dahilan para magkaroon ng mababa o maging zero enrollees ang ilang programa sa UP.
Tumaas naman ng 600 porsiyento ang matrikula sa Eulogio Amang Rodriguez Institute of Science and Technology (EARIST) sa Maynila – mula sa dating P15 kada yunit, nasa P100 kada yunit na ngayon ang matrikula roon. Nasa P500 na rin ang binabayarang laboratory fees mula sa P25. Ang mga pagtaas sa bayarin ay nagresulta sa 50 porsiyentong pagbagsak sa enrolment noong nakaraang taon.
Nauna nang nagtaas ng matrikula ang Philippine Normal University ng 400 porsiyento noong 2003.
Nabigo naman ang administrasyon ng PUP na ipatupad ang 525 porsiyetong pagtaas sa matrikula noong nakaraang taon dahil na rin sa matinding pagtutol ng mga mag-aaral. Kung natuloy ang pagtataas, aakyat sa P75 kada yunit ang matrikula sa PUP mula sa P12.
Sa kabilang banda, napatupad naman ang 67 hanggang 100 porsiyentong pagtaas ng singilin sa mga processing fees tulad ng bayarin para sa verification of grades kada subject, re-admission fee at late enrolment fine. Naniningil din ang PUP ng P250 para sa development fee.
Kapabayaan ng gobyerno
Walang ibang dapat sisihin sa lumalalang krisis sa edukasyon kundi ang pamahalaang Arroyo mismo.
Sa ilalim ng kasalukuyang gobyerno, lalo pang lumiit ang badyet para sa edukasyon mula 17.4 porsiyento noong 2001 hanggang 13.9 porsiyento noong 2006.
Kaya naman sa kabila ng mapanlinlang na pagbabalita ng Department of Education at CHED na natugunan na ang mga pangunahing problema sa mga pampublikong paaralan tulad ng kawalan ng classroom, textbook at guro, nananatiling huli ang Pilipinas kumpara sa mga ibang bansa sa Asya.
Habang pinangangalandakan ng gobyerno na napababa nito ang classroom-pupil ratio sa P1:50 noong nakaraang taon, mataas pa rin ito kumpara sa (31.7), Thailand (22.9), Japan (28.6) and even in India (40) sa mga pampublikong elementarya.
Mas malaki pa ang agwat ng Pilipinas kumpara sa ibang bansa sa Asya pagdating sa high school. Sa parehong pag-aaral ng UNESCO Institute of Statistics, nasa 56.1 ang high school class size sa bansa, mas mataas kumpara sa 34 ng Malaysia, 41.5 ng Thailand, 33.9 ng Japan at 39 ng India.
Sa mismong talaan ng DepEd, mayroon pa rin 267 na baranggay ang hindi naseserbisyuhan ng pampublikong elementarya at 4 na munisipalidad na wala pa ring high school.
Nasa 6 na porsiyento ng Gross Domestic Product ang itinakdang minimum standard ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) at ng International Commission on Education for the 21st Century para sa pagpopondo sa edukasyon ng isang bansa. Sa halip na maabot ang pamantayang ito, lalo pang lumiit ang badyet sa edukayon bilang bahagi ng GDP, mula 3.3 porsiyento noong 2001 hanggang 2.19 porsiyento ngayong taon, ayon sa pag-aaral ng Bayan Muna party list. Ito ay mas mababa sa ginagastos ng ibang bansa tulad ng Malaysia (7.4 porsiyento) at Thailand (4 porsiyento).
Lalo pang pinaliit ang kakarampot na badyet para sa mga SUCs ngayong taon, mula sa 2.74 porsiyento na alokasyon nito noong 2007, nasa 1.84 porsiyento na lamang ito ng pambansang badyet ngayong taon.
Ang pagliit ng badyet sa edukasyon, partikular na sa mga SUCs, ay nakapaloob sa Long Term Higher Education Development Plan mula 2001-2010 (LTHEDP) ng gobyernong Arroyo na nagtatakda ng mga sumusunod na target sa taong 2010: pagbabawas ng bilang ng SUCs ng 20 porsiyento; pagpapatakbo sa 6 na SUCs tulad ng isang ’semi-corporation;’ 20 porsiyento ng mga SUCs ay nangangalap ng pondo mula sa pagbebenta ng mga intellectual property ng guro at mag-aaral nito; 50 porsiyento ng mga SUCs ay kumikita sa pamamagitan ng mga income-generating projects; 60 porsiyento ng SUCs ay may kolaborasyon kasama ang mga pribadong korporasyon; at 70 porsiyento ng mga SUCs ay nagpapataw na ng matrikula katumbas ng sinisingil sa mga pribadong unibersidad.
Layunin ng LTHEDP na gawing ’self-sufficient ang mga SUCs; ibig sabihin, sapat na ang kinikita nito mula sa paniningil ng mga bayarin, pagbebenta ng intellectual property at iba pang asset ng unibersidad at mga kasunduan nito sa mga pribadong korporasyon, at hindi na kailangang umasa pa sa subsidiya ng gobyerno. Nangangahulugan lamang ito ng tuluyang pagtalikod ng pamahalaan sa responsibilidad nito sa edukasyon, partikular na ang pagpopondo ng mga pampublikong paaralan.
Ang edukasyon ay karapatan ng bawat mamamayan at kinikilalang pangunahing prayoridad ng estado sa ilalim ng Saligang Batas. Subalit sa ilalim ng kasalukuyang pamahalaan, katulad ng mga nauna rito, walang malasakit o pagpapahalaga para sa edukasyon ang maaasahan mula sa gobyerno.
Sa harap ng paglobo ng halaga ng edukasyon at kapabayaan ng gobyernong Arroyo, mananatiling madilim ang kinabukasan ng milyun-milyong kabataang Pilipino.#
15th July 2008 | Filed under: Blogs | Click here to follow any responses to this entry: RSS 2.0 feed
Related Posts:
Fatal error: Call to undefined function similar_posts() in /home/.rema/lfs/lfs.ph/wp-content/themes/mimbo2.2/single.php on line 41