Biguin ang panibagong pakanang Cha-cha!

Sa sakim na pagnanais na makapanatilisa kapangyarihan lagpas ng 2010, kinasangkapan ni Arroyo ang usapang pangkapayapaan ng GRP at MILF para sa sarili nitong interes sa pakanang Charter Change.

Duguan ang kamay ni Arroyo at ng US, kapwa may pakana ng pagmamaniobra ng usapang pangkapayapaan para sa interes ng higit na pagsasamantala sa mamamayan, sa kasalukuyang pagtindi ng digma sa Mindanao.

Narito ang isang gabay-talakayan na inilabas ng iba’t ibang mga organisasyon.

Download .doc: Briefer on the regime’s revival of the chacha

Gabay sa pagtalakay sa muling pagmamaniobra ni Arroyo para sa pakanang charter change
Agosto 2008

Maikling kronolohiya at background (pagbaybay ng maniobra mula MOA tungong Cha-cha)

Hulyo 28 – Idineklara ni Executive Secretary Ermita ang muling pagbubukas ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng MILF at GRP matapos magpirmahan ang mga kinatawan ng dalawang panel sa Malaysia ng isang joint communiqué hinggil sa isyu ng ancestral domain.

(Naantala ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng MILF at GRP noong Hulyo 25 nang mag-walkout ang mga kinatawan ng MILF matapos tangkaing repasuhin ng GRP ang dalawang settled issues (napagpasyahan nang isyu) na nilalaman ng panukalang MOA para sa ancestral domain.)

Dito unang itinakda ang pirmahan para sa isang memorandum of agreement on ancestral domain para sa mamamayang Moro na magpapanukalang palawagin ng 700 pang barangay ang teritoryong sinasaklaw ng ARMM (Autonomous Region in Muslim Mindanao). Kasalukuyang sumasakop ang ARMM sa 2,470 barangay sa Marawi City, at 111 munisipalidad sa anim na probinsya – Basilan, Lanao del Sur, Maguindanao, Sulu, Tawi-Tawi.

Itinakda ang pirmahan ng Agosto 5, sa pamamagitan ng pirmahan ng naturang MOA ay magiging opisyal na ang pagtransporma sa ARMM tungo sa BJE (Bangsamoro Judicial Entity).

Hulyo 30 – Nagsimulang umalma ang mga opisyal at pulitiko na ayaw na maging bahagi ang kanilang mga probinsya ng BJE sa pangunguna ni North Cotabato Rep. Bernardo Pinol Jr. Nagsampa sila ng petisyon sa Korte Suprema para kuwestiyunin ang ligalidad ng MOA. Dito na rin unang naungkat ang kawalan ng transparency at secrecy ng GRP (bagamat basically ay anti-MILF at anti-MOA ang pusisyon ng mga naturang opisyal).

Hulyo 31 – Umalma na rin ang mga tribal leaders at ilang mga Kristiyano sa Mindanao dahil hindi sila nakonsulta hinggil sa pagsasama ng kanilang mga lupain sa MOA.

Agosto 3 – Idineklara ni Esperon, sa gitna ng lumalawak ng protesta at kontrobersiya dahil sa MOA, na ang nakatakdang pirmahan ay ‘preliminary agreement’ lamang para sa pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan. Sinabi rin niyang ‘lahat ng nakasaad sa MOA ay naaayon sa Konstitusyon.’ Sa puntong ito, matigas pa rin ang Malakanyang sa pagtangging isiwalat sa publiko ang nilalaman ng MOA.

Sa parehong araw, hinikayat ng UNO (United Opposition) ang GRP na huwag munang ituloy ang nakatakdang pirmahan hanggat hindi pa nasasagot ang mga petisyong nakasalang sa Korte Suprema. Anila, tanging ang pag-antala sa pirmahan ang magreresolba sa namumuong tensyon sa Mindanao dulot ng kontrobersyal na MOA.

Sa kabila nito, nagmatigas pa rin ang Malakanyang at inihayag na tuloy na tuloy na ang pirmahan at tanging ang Korte Suprema lamang ang may kapangyarihang maglabas ng TRO (Temporary Restraining Order) para pigilan ito.

Agosto 4 – Naglabas ng TRO ang Korte Suprema upang pigilan ang nakatakdang pagpirma ng MILF at GRP sa MOA.

Matapos nito, idineklara ni Press Secretary Jesus Dureza na kinakailang ng ‘surgical remedies’ sa Konstitusyon upang mapatupad ang mga nakasaad sa MOA. Pero aniya, ‘hindi ito minamadali at pwedeng matapos na lang ang eleksyong 2010,’ bilang tugon sa mga mga kritisismong ginagamit lamang ni Arroyo ang MOA para muling buhayin ang charter change.

Agosto 5 – Napigilan ang nakatakdang pirmahan sa Kuala Lumpur at sumiklab ang labanan sa North Cotabato.

Agosto 11 – Inihayag ni Arroyo ang kaniyang ‘suporta para sa federalism’ bilang resolusyon para sa kapayapaan sa Mindanao. Ito ang unang pahayag ni Arroyo ukol sa federalism mula nang ibasura ng Korte Supema ang ‘People’s Initiative’ para sa cha-cha noong 2006.

Agosto 13 – Malakanyang: All systems go for charter change.

Agosto 14-15 – Naglabas ng mga pahayag ang CBCP, ang oposisyon , mga progresibong party-list, mga grupong pulitikal at maging ilang mga alyado ni Arroyo sa Senado at Kongreso laban sa cha-cha bilang instrumento para sa pagpapapalawig ng termino ni Arroyo.

Side Note: Ano ang ating pagsusuri sa kasalukuyang Mindanao conflict bunsod ng MOA?

Una sa lahat, hindi dapat maliitin ang pa-sikretong paglarga ng GRP sa MOA.Tulad ng ibang mga kontrobersyal na kontrata at kasunduan, pilit nitong itinatago ang nilalaman ng MOA sa publiko sa likod ng Executive Privilege. Hindi ito dumaan sa karampatang konsultasyon at due process na siyang unang pinag-ugatan ng kontrobersiyang bumabalot sa naturang panukala. Hindi malinaw sa simula pa lamang ang motibo partikular sa bahagi ng GRP sa pagpasok sa MOA.

Sa kabilang banda, nirerespeto at kinikilala natin ang matagal nang pakikibaka ng mamamayang Moro para sa kanilang karapatan sa sariling identidad (right to self-determination). Gayunpaman, nananatiling kahina-hinala ang motibo ng GRP. Napatunayan na sa gawi nito sa usapang pangkapayapaan sa pagitan GRP at CPP-NPA-NDF, halimbawa, na wala itong ibang hangad kundi ang pagpapasuko/pag-nyutralisa at kapitulasyon (cooptation and capitulation) ng kabilang panig sa kabila ng pagpoposturang ‘maka-kapayapaan.’ Muling patunay ang kasalukuyang ‘all out war’ na isinasagawa ng AFP sa Mindanao na hindi sinsero at tuso ang GRP sa usapang pangkapayapaan.

Sa ganang ito, hindi rin matatawaran ang mismong MOA bilang patunay ng ilang taong pakikipagtunggalian ng MILF sa GRP para igiit ang kanilang karapatan. Kaya naman anumang ganansya o tagumpay ng mamamayang Moro para sa kanilang pakikibaka ay ibubunga lamang ng kanilang patuloy na paglaban, armado man o sa usapang pangkapayapaan.

Paano na-maniobra ni Arroyo ang isyu ng MOA signing para muling isulong ang pakanang charter change?

May ilang mga pagsusuri na simula’t sapul ay alam na ng GRP na labag sa Konstitusyon ang mga panukala sa MOA at tiyak na kukuwestiyunin ito ng Korte Suprema. Sa ganitong paraan nakakitaan ng Malakanyang ng pagkakataon na maniobrahin ang isyu ng MOA para muling buhayin ang pakanang charter change.

May mga pagsusuri ring ‘calibrated’ at inaasahan maging ang magiging malakas na pagtutol ng mga kongresista, tribal leaders at ilang mga grupong Kristiyano sa Mindanao na siyang magbubunsod para pumutok ang labanan at kaguluhan sa rehiyon. Sa katunayan, ang muling pagsiklab ng bakbakan sa pagitan ng MILF (na nagdeklara ng ceasefire mula nang muling magbukas ang usapang pangkapayapaan) at AFP ang ginamit na tuntungan ni Arroyo para buhayin ang federalism bilang sagot diumano sa gulo sa Mindanao.

Ang federalism ay iaanak lamang ng pagpalit ng porma ng gobyerno tungong sistemang parlyamentaryo na isa sa mga pangunahing panukala ng matagal nang pakanang cha-cha ni Arroyo.

Ano ang motibo ni Arroyo sa pilit na pagsusulong ng charter change?

Umaalingasaw ang motibong palawigin ni Arroyo ang kanyang termino (term extension) sa pamamagitan ng cha-cha – maaaring sa pamamagitan ng aktwal na pagpapalawig ng term limit o sa pag-assume sa pusisyon ng Punong Ministro sa sistemang parlyamentaryo.

Gayon na lamang ang desperasyon ni Arroyo na manatili sa kapangyarihan dahil mawawalan siya ng immunity kung bababa siya sa pwesto sa 2010. Kapag nangyari ito, tiyak na puputaktihin siya ng kaliwa’t kanang mga kaso at hindi malayong mahatulan at makulong sa dinami-dami ng kanyang mga kasalanan sa mamamayan.

Maging ang federalism ay isang taktika upang kabigin at ligawan ang mga alyado ni Arroyo sa gobyerno. Wala itong ibang hangad kundi konsolidahin ang kapangyarihan kina Arroyo at sa kanyang mga alipores sa Kongreso. Sa federalism, ang mga maka-Arroyong kongresista ay mag-aastang mga ‘little presidents’ sa kanya-kanyang mga probinsya o federal states.

Samantala, kung hindi man cha-cha, maari pa ring maniobrahin ni Arroyo ang kaguluhan sa Mindanao upang mag-invoke ng emergency powers at magdeklara ng martial rule – para pa rin magsilbi sa kanyang desperasyong makapanatili sa pwesto.

Bakit ayaw ng mamamayan sa pakanang charter change ni Arroyo?
Kung pagbabatayan ang nauna nang mga panukalang pagrebisa sa Konstitusyon noong 2006, malinaw na higit na kapangyarihan at pagpapasasa para sa iilan at dayuhan sa isang banda, habang higit namang krisis, pagdurusa at kahirapan para sa mas marami ang hatid ng cha-cha ni Arroyo.

(1)   Sa cha-cha, layon ni Arroyo na lumikha ng isang parlyamentong ala-Marcos, na higit na magkokonsentra ng kapangyarihan sa kanya at sa kanyang mga tuta. Ibabaon nito ang di-resolbadong usapin, isyu at anomalyang kinasasangkutan ni Arroyo at palalawigin ang kanyang pananatili sa pwesto.

(2)  Higit na aatekihin sa cha-cha ang mga kalayaang sibil at mga demokratikong karapatan ng mamamayan. Ang terorismo ng estado na ipinapatupad na sa kasalukuyan ay higit pang lalala sa pagsasatitik sa Konstitusyon ng mga probisyong sa karapatan magpahayag, mag-organisa, magprotesta at lumaban para sa mga batayang karapatan.

(3)  Higit na pangangayupapa sa dayuhan ang kahulugan ng cha-cha. Ibubukas sa higit na pandarambong at pagsasamantala ng imperyalismo ang ating bansa na magdudulot ng higit na pambubusabos at kahirapan. Papahintulutan ang 100 porsyentong pag-aari ng dayuhan sa lupain, likas na yaman at negosyo, at lulubusin ang pribitisasyon at deregulasyon ng gma sebisyo publiko kabilang ang edukasyon.

(4)  Pagbubugaw sa soberenya at kasarinlan ng bayan ang susuhayan ng cha-cha. Ibubukas lalo ng cha-cha ang bansa sa tropang dayuhan, tatanggalin ang pagbabawal sa pagpasok ng armas nukleyar at ibabalik ang base militar.
Kabaliktaran ng propaganda ng Malakanayang, hindi kapayapaan at bagong pag-asa ang idudulot ng cha-cha kundi higit na kahirapan, krisis at pambubusabos na mamamayan. Isa itong komprehensibong atake sa demokratikong karapatan at interes ng taumbayan.
Ayon pa sa NUPL (National Union of People’s Lawyers), kahit na sabihin pa ng Malakanyang na ilang ‘surgical amendments’ lamang ang gagawin sa Konstitusyon, kapag naipasa at natipon na ang isang constitutional assembly ay wala nang magiging hadlang para tuluyan nang repasuhin ang Konstitusyon. Wala nang tiwala ang mamamayan kay Arroyo at hindi ito naniniwalang tanging ang resolusyon sa gulo sa Mindanao ang interes niya sa pakanang cha-cha.
Nakatakdang pagbotohan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pagbuo sa con-ass sa Agosto 25.
Ano ang kamay ng imperyalistang US sa maniobrang ito?

Simula’t sapul ay todo-suporta na ang imperyalistang US sa pakanang cha-cha ni Arroyo. Ang tahasan at walang pakundangang panghihimasok ng imperyalistang US sa Mindanao at sa pagsusulong ng cha-cha ay dapat mariing ilantad, kondenahin at singilin kay Arroyo.

Kahit sa kasalukuyang isyu ng MOA na siyang nagbunsod ng panunumbalik ng pakanang cha-cha, mismong ang USIP (United Stated Institute for Peace), isang proyektong binuo nina US President Bush at Arroyo na siya namang nagtulak at nagpondo sa usapan hinggil sa MOA, ang nagsabi na ‘inaasahan nito ang cha-cha dahil ang ilang mga probisyon sa MOA ay maaring ideklarang unconstitutional ng Korte Suprema.’

Sa isang banda, kung matuloy ang MOA, walang iba kundi US ang gaganansya. Sa kabila ng mga pahayag ng US na ‘suportado nila ang usapang pangkapayapaan,’ malinaw na hindi layon ng US na matigil ang gulo sa Mindanao para sa kapayapaan kundi ang siguraduhing may matatag na rehiyong sasalo sa kanyang mga negosyo at tropang military. Kabilang na rito ang $100 milyong off-shore oil exploration sa Sulu ng Exxon Mobil, ang pinakamalaking prodyuser ng langis sa buong mundo. Hindi na rin nakagugulat na sa parehong erya nakatalaga sa kasalukuyan ang mga tropa at basing military ng US sa bansa.

Doble ganansya pa kung maipapasa ang cha-cha. Ang imperyalistang US ang pangunahing makikinabang sakaling mapatupad ang cha-cha sampu ng mga panukala sa ekonomiya at pulitika na tuluyan nang magbubuyangyang sa pambansang patrimonya at soberanya sa imperyalistang pananamantala.

Kailangang higitan ng mamamayan ang paglaban at pagtutol na ipinamalas nito laban sa pakang cha-cha noong 2006. Napatunayan na nating anumang porma at taktika ni Arroyo na ipatupad ang cha-cha ay mapipigilan lamang ng malakas na nagkakaisang paglaban ng mamamayan.

Hindi dapat hayaan ng taumbayan ang pananalasa ng cha-cha sa samabayanan. Kailangan nating puspusang kumilos para ilantad, labanan at biguin ang cha-cha ni Arroyo.

Ilantad at biguin ang pakanang cha-cha!
Patalsikin at singilin si Arroyo!

Share



19th August 2008 | Filed under: Downloads, Top Post | Click here to follow any responses to this entry: RSS 2.0 feed

Want our posts delivered to you via email?

Related Posts:


Fatal error: Call to undefined function similar_posts() in /home/lfs/lfs.ph/wp-content/themes/mimbo2.2/single.php on line 41