Pagsasamantala sa manggagawang kababaihan ng Bleustar
ni Ron Villegas
Sa aking pagsusulat ng artikulong ito, tatlong araw nang naka-welga ang mga manggagawa sa Bluestar Corporation sa Muntinlupa, ang kumpanyang gumagawa ng sikat na Advan Shoes dito sa Pilipinas.
Subalit, lagpas nang isang buwan na walang trabaho ang 67 nilang mga kasamang manggagawa. Iligal silang tinanggal sa trabaho dahil nalaman ng kumpanya na sila ay bumubuo ng isang unyon. Ang iligal na tanggalang ito, kasama ang iba pang batayang karapatang ipinagkakait sa kanila ng Bluestar Corporation ang nagtulak sa mga manggagawa na itigil ang produksyon at magwelga.
1991 nang itayo ng negosyanteng intsik na si Jimmy Ong gang Bluestar Corporation. Sa mga manggagawa, ito ang kanilang ikatlong subok na magtayo ng unyon. Maagang nalalaman ng management ang naunang dalawang subok kung kaya agad itong nakagagawa ng paraan para mapigilan ang pagtatayo. Subalit sa pagkakataong ito, konsolidado na ang hanay ng mga manggagawa bago pa malaman ng management ang kanilang planong mag-unyon.
Hindi lumahok ang management sa mga pagdinig na ipinatawag ng Department of Labor and Management (DOLE) bago ganapin ang Certification Election (CE) na kikilala sa kanilang unyon bilang “sole bargaining agent” at magbibigay rito ng kapasidad na maghapag ng mga demand sa kumpanya sa pamamagitan ng Collective Bargaining Agreement (CBA). Dahil dito, nagpasya ang DOLE na tanggapin ang listahan ng mga manggagawang isinumete ng unyon at itinakda ang CE sa Hulyo 25.
Ilang araw bago ang CE noong Hulyo 12, nakatanggap ang pamunuan ng unyon ng isang text mula sa kanilang mga kapwa manggagawa na inilalagay sa trak ang ilang mga makina ng paggawaan. Nangamba ang mga manggagawa. “Run-away shop” ang naging taktika ng management. Ililipat ang mga makina upang takutin ang mga manggagawa na magsasara ang pagawaan kung magkakaroon ng unyon. Humiga sila sa kalsada upang mapigilan ang trak.
Bagama’t matagumpay ang kanilang naging pagkilos sa araw na iyon, ginamit ito ng management bilang batayan upang masisante ang mga manggagawa kabilang ang pamunuanat mga opisyal ng unyon. “Illegal Strike” daw ang kanilang ginawa. Sa pagdating ng CE, nanalo sana ang unyon kung ibinilang ang mga natanggal. Sabi rin naman ng may-ari, manalo o matalo ang unyon, hindi nito sila kikilalanin.
Nagpatawag ng “strike-vote” ang unyon. Napagkaisahan ng mga manggagawa na magwelga na kanilang ipinutok sa madaling-araw ng Agosto 6.
Malinaw sa kanila ang kanilang panawagan. Ibalik sa trabaho ang kanilang mga kasamahan at kilalanin ang unyon.
Bakit nga ba gagawin ng management ng isang kumpanya ang lahat upang mapigilan lamang ang pagtatayo ng unyon sa pagawaan? Bakit rin mapangahas na nagtatayo ng unyon ang mga manggagawa sa kabila ng posibilidad na sisantehin sila at mawalan ng trabaho?
Ang unyon kasi ang nagiging manipestasyon ng pagkakaisa ng mga manggagawa sa isang pagawaan. Sa pagkakaroon ng unyon, nagkakaroon ng kapasidad ang mga manggagawa na maghapag ng mga demand sa kumpanya sa pamamagitan ng CBA. Nagbibigay rin ng edukasyong pampulitika ang unyon sa kanyang mga kasapi upang malaman ng mga manggagawa ang kanilang mga karapatan.
Hindi rito naiiba ang mga manggagawa ng Advan. Dahil matagal na silang walang unyon, nagkakasya na lamang sila sa kung anumang benepisyo ang ibibigay sa kanila ng management. Nakatali sa minimum wage ang sahod ng mga regular na manggagawa. Sa 18 taon ng kumpanya, tumataas lamang ang kanilang sahod kapag nagpapatupad ng wage hike ang gobyerno. Masahol pa rito ang kalagayan ng mga kaswal na manggagawang nakatatanggap lamang ng P288 kada araw.
Benepisyo? Dalawampisong bonus para sa bawat limang taon ng serbisyo.
Subalit isang katangi-tanging kalagayan ng mga manggagawa sa Bluestar ang labis na sexual harassment na kanilang natatanggap mula sa may-ari ng kumpanya. 85% ng mga manggagawa sa Bluestar ay kababaihan. Nang matanong kung ilang porsiyento sa kanila ang nakaranas ng harassment, 100% ang kanilang naging sagot.
May mga araw kasing sa pagpasok sa pagawaan o sa paglabas, ang mga manggagawang babae ay pinapapila upang humalik, o mahalikan, ni Mr. Ong. Kuwento pa ng isang manggagawa, puwersadong kinuha ni Mr. Ong ang kanyang kamay at sinubukang ipahawak ang kanyang ari minsang siya ay lasing.
Minsan, nag-offer rin daw ito ng promotion sa isang manggagawa kapalit ng isang halik “na may tunog”. Ginagawa pa niya ito kahit nakaharap ang asawa ng manggagawa.
Marami pang klase ng pagmamalabis ang ginagawa ni Mr. Ong sa kanyang mga mangaggawa. Naging bahagi na ng kanilang kultura sa pagawaan na tanggapin ang ganitong kalagayan bilang bahagi ng trabaho. Inuudyukan rin daw sila ng kanilang mga supervisor na tanggapin na lamang ag mga utos ni Mr. Ong kaysa sa mawalan ng trabaho.
Subalit dahil may posisyon ng kapangyarihan si Mr. Ong bilang may-ari ng kumpanya at walang unyon ang mga manggagawa na magtuturo sa kanila ng kanilang mga karapatan, hindi na nagrereklamo ang mga manggagawa sa ganitong mga insidente. May kapasidad rin ang unyon na magpatupad ng isang pamamaraan upang makapagreklamo ang mga manggagawa habang pinroprotektahan ang kanyang trabaho.
Hindi rin naman gusto ng mga manggagawa na magwelga. Ilang araw, buwan o taon silang maaaring mawalan ng sahod dahil sa paglulunsad nito. Dagdag na pahirap sa gitna ng tumitinding krisis pangekonomiya sa bansa. Subalit, likas na magkatunggali ang makauring interes ng mga manggagawa at kapitalistang may-ari ng kumpanya. Dahil dito, kinakailangang ipakita ng mga manggagawa na anumang yamang nakukuha ng kapitalista ay dahil sa lakas paggawa ng mga manggagawa.#
19th August 2008 | Filed under: Blogs | Click here to follow any responses to this entry: RSS 2.0 feed
Related Posts:
Fatal error: Call to undefined function similar_posts() in /home/lfs/lfs.ph/wp-content/themes/mimbo2.2/single.php on line 41