Hinggil sa Pandaigdigang Krisis Pampinansya

commitmentoctober.jpg

I-click para madownload ang .pdf kopya ng Commitment: Commitment October 2008 PDF

Ang Pandaigdigang Krisis Pampinansya: Isang Praymer
Inihanda ng Pambansang Komiteng Tagapagpaganap, League of Filipino Students (LFS), Oktubre 2008

Pambungad

Iminarka ng sunod-sunod na pagbagsak ng pinakamalalaking bangko sa pamumuhunan sa Estados Unidos (US) ang isa sa mga rurok ng matinding krisis pampinansya na yumayanig sa US at sa daigdig sa kasalukyan. Marami ang nagsasabing kalebel na o mas malala pa ang kasalukuyang dinaranas sa Great Depression noong 1930′s.

Bumagsak ang stock market sa US at nagbunsod ito ng sunod-sunod na pagbagsak sa stock markets ng Latin America, Europa at Asya. Marami pang mga bangko at kumpanyang pampinansya ang nanganganib na mabangkarote, magsara, o mapilitang makipagsanib sa iba pang kumpanya sanhi ng krisis.

Mayo 2006 pa lamang, una nang nagdeklara ng pagkabangkarote ang Merit Financial Inc. Halos sabay-sabay na nagdeklara ng pagkabangkarote ang humigit pang 25 na kumpanyang nagpapautang sa gitna ng 2007, kabilang na ang New Century Financial at Ameriquest, ilan sa pinakamamalalaking tagapagpautang sa US. Upang maiwasan ang pagsasara, umutang naman ng $11 bilyon mula sa iba’t ibang mga bangko ang Countrywide Financial Corporation, isa pang dambuhalang institusyong pampinansya.

Sa kabila ng mga hakbangin ng gobyerno ng Amerika na maiwasan ang pagsambulat ng krisis, tuloy-tuloy ang pagbagsak ng stock market sa US at pagsasara ng mga bangko. Nag-ulat ng $435 bilyong pagkalugi ang mga bangko ng US noong Hulyo 2008. Habang sa Pilipinas, tinatayang P554 bilyong halaga ng stocks ang nalugi sa loob lamang ng anim na araw (Oktubre 5-11, 2008).

Epekto ito ng sunod-sunod na pagbagsak ng ilan sa mga pinakamalalaking bangko sa US, kasama ang Merryl Lynch at Bear Stearns nitong mga nakaraang buwan. Kahit ang Lehman Brothers na nakalagpas sa Great Depression ay hindi nakatakas sa kasalukuyang krisis at gumuho noong Setyembre.
Upang hindi mabangkarote ang Freddie Mae (FHLC o Federal Home Loan Corporation) at Fannie Mac (FNMA o Federal National Mortgage Association), mga malalaking institusyong pampinansya sa pabahay, sila ay tuluyan nang kinontrol ng gobyerno, habang sinalba naman ng gobyerno ng US ang American International Group, ang pinakamalaking insurance company sa US at sa buong mundo sa pamamagitan ng pagpapautang dito ng $85 bilyon.

Kamakailan lamang, ipinasa ng gobyerno ni George Bush ang isang $700 bilyon na bail-out package upang iligtas diumano ang mga kumpanyang nanganganib pang magsara. Subalit sa kabila nito, nananatiling hindi humuhupa ang panic sa mga stock market ng buong mundo at patuloy pa rin ang pagbagsak ng ekonomiya ng US at iba pang mga bansa. Lalo rin nitong sinindihan ang galit ng mamamayang Amerikano dahil galing sa kanilang buwis ang salaping gagamitin para rito. Sa kabila ng bail-out package na ito, nagkakasundo ang maraming mga eksperto at ekonomista na ang mga kaganapan nitong Setyembre ay simula pa lamang ng paglala ng kasalukuyang krisis.

1. Ano ang katangian ng kasalukuyang krisis?

Ang kasalukuyang krisis ay krisis sa sistemang pampinansya. Dulot ito ng pinansyalisasyon o ang pagpapaikot ng sobrang kapital sa mga pamilihang pampinansya sa halip na gamiting puhunan sa produksyon. Niyayanig nito ang stock market, mga bangko at iba pang institusyon sa pinansya ng mga imperyalistang bayan at mga kolonya.

Sa nakaraang 30 taon, tumindi ang konsentrasyon ng pampinansyang kapital sa iilang institusyon at bangko sa US at iba pang mga malalaking kapitalista/imperyalistang bansa. Pagsapit ng taong 2000, pagmamay-ari na ng 1% ng populasyon ng buong mundo ang kabuuang 40% yaman ng buong daigdig, habang ang 50% ng populasyon ng buong mundo ay naghahati lamang sa 1% ng yaman.

Nahuhumaling ang kapitalismo sa pamumuhunan at ispekulasyon sa paper commodity market tulad ng mga securities, bonds at stocks dahil limitado na ang mga larangan na pwedeng paglagakan at pagpalaguan ng kapital dulot ng krisis sa labis na produksyon.

Dahil sa labis na pagkonsentra ng yaman sa buong mundo, pinalala ang batayang tunggalian sa mga sistemang kapitalista – yaong di-pantay na relasyon sa pagitan ng sosyalisadong paggawa dulot ng mas maunlad na produksyon at pribadong tubo na nagsisilbi sa interes lamang ng iilan. Ang resulta nito ay ang paglikha ng sobra-sobrang kalakal na hindi naman kayang bilihin o ikonsumo ng mamamayang lubog sa kahirapan.

Ang walang tigil na paghahabol sa ganansya, ang kapitalistang akumulasyon at kapitalistang kumpetisyon, ang relasyon ng akumulasyon at kumpetisyon na nagpapatindi sa isa’t isa, ay nagbubunga ng mabilis na paglawak at paglaki ng produksyon sa lipunan.
Pero ang paglawak at paglaki ng pamilihan ay di kasimbilis ng paglawak at paglaki ng produksyon. Di nakakasabay sa bilis ng paglaki ng produksyon ang bilis ng paglaki ng pamilihan.
Kaya ang natural na patutunguhan ng kalagayang ito ay ang pagbagsak ng negosyo kapag sobra-sobra na ang pagbaha ng mga produktong di maibenta sa pamilihan. Ito ang krisis ng labis na produksyon na bumabayo sa buu-buong mga industriya at sa buong ekonomya.

Ang pinansyalisasyon ay isang paraan ng pagpupumilit ng kapitalismo na makaalpas sa krisis ng labis na produksyon – isang sumpang nasa katangian nito at hindi nito matatakasan.
Dahil sa kalagayang hawak ng iilan sa buong mundo ang sobrang kapital at hindi naman kayang makaagapay dito ang sobrang kapasidad sa produksyon, humantong sa puntong kinailangang lumikha ng panibagong halaga sa halagang nalikha na. Kung gayo’y nakapipiga ng tubo ng hindi lumulikha ng aktwal na panibagong kalakal.

Umabot ito sa yugtong ang malaking bahagi ng kapital ay inilagak na sa ispekulasyon sa larangan ng pinansya. Likas na tunguhin ito ng sistemang kapitalista. Ayon nga kay Vladimir Lenin, “umabot na ang pag-unlad ng kapitalismo sa yugto na kahit ‘namamayani’ pa ang produksyon ng kalakal at nananatili pa itong batayan ng buhay pang ekonomiya, sa katunaya’y binabagabag na ito ng kapitalismong pampinansya hanggang sa ang mga bulto ng mga tubo ay kinakamkam na ng mga ‘henyo’ ng manipulasyon sa pinansya.”

Sa pamamagitan ng pinansyalisasyon, higit na naihihiwalay ang pinansya sa produksyon, at higit pang nakonsentra ang kapital at yaman sa iilang mga malalaking bangko at institusyong pinansyal. Pagsapit ng 2006, tatlo’t kalahating ulit na mas malaki sa halaga ng pandaigdigang produksyon ang halaga ng mga ari-ariang pampinansya noong 2006. Mula $12 trilyon noong 1980, lumaki hanggang $190 trilyon noong 2007 ang halaga ng samu’t saring instrumentong pampinansya. Tatlumpung porsiyento nito ay nasa US.

Paglikha ng mga “bula”

Bahagi ng pinansyalisasyon ang paglikha ng artipisyal na demand at pagpapalobo ng “pang-ekonomiyang bula” o economic bubble para buhayin ang naghihingalong ekonomiya. Sa pamamagitan ng “bula,” nakalilikha ng “artipisyal na kayamanan” ang isang kapitalistang bansa kahit na ang totoo’y batbat sa krisis ang ekonomiya nito. Nagagawa ito sa pag-engganyo sa pagbili (consumption) sa pamamagitan ng pagpapautang sa mababang interes, na siya namang maglilikha sa isang “aktibong ekonomiya.”

Bago pa man ang kasalukuyang krisis, marami nang mga naunang “bula” ang pinalobo at kalauna’y pumutok. Isang tampok na halimbawa ang dot-com bubble na lumobo sa kalagitnaan ng 1990s at pumutok noong 2001. Tampok sa nasabing “bula” ang pampinansyang ispekulasyon sa mga kumpanyang nakabase sa internet na matapos ang inisyal na pagtaas ng halaga ay biglang bumagsak at isa-isang nagsara. Ito ay nagdulot ng isang resesyon sa US at iba pang kapitalistang bayan.
Sa kaso ng kasalukuyang krisis, ang industriya ng pabahay ang pinalobong “bula”. Ebidente sa katangiang sub-prime ang higit na desperasyon ng kapitalismo na isalba ang sarili sa pagkalugmok.

Hindi na lamang simpleng pautang kundi inengganyo ang mamamayan na mangutang sa mga bangko para makabili ng sariling bahay kahit na sila ay tinaguriang mga NINJA (no income, no jobs, no assets) at kung gayo’y malabong makabayad ng utang. Ibinaba ang interes at pinaluwag ang patakaran ng mga bangko at pinansyal na institusyon sa pagpapautang. Umasa ang mamayan na sila ay kikita at makapagbabayad ng utang dahil sa umpisa, tumataas ang halaga ng mga bahay.

Subalit ang labis na pagtatayo ng bahay ay nagresulta sa sarplas na mga tirahan kung kaya’t nagsimulang bumagsak ang kanilang presyo.Sa pagsasara ng 2005 nagsimulang tumigil ang paglago ng industriya ng pabahay. Sa susunod na taon, bumagsak ng 40% ang US Construction Index. Sa pagputok ng “bula” at pagbagsak ng presyo ng mga bahay, hindi nakabayad ang mamamayan ng kanilang mga utang sa bangko pagka’t kalakhan sa kanila ay mahihirap. Noong 2007, umabot na sa 1.3 milyong bahay ang humaharap sa pagkarimata (79% na mas mataas kumpara noong 2006).

Tuwiran ang epekto nito sa mga bangko at pinansyal na institusyon na siyang mga nagpautang para sa pabahay. Nagkahawa-hawa ang pagkalugi ng mga bangko at pinansyal na institusyon dahil sa iskemang securitization – pinagsama-sama ng mga bangko ang mga utang ng mamamayan at ibenenta sa ibang pampinansyang institusyon upang kumita. Kung kaya’t nang hindi na makapagbayad ang mamamayan ng kanilang utang, nalugi hindi lamang ang mga bangkong kanilang pinagkakautangan kundi pati na rin ang mga institusyong bumili ng kanilang utang. Ito ang pinakamasahol na epidemya sa kasalukuyang krisis sa pinansya.

At dahil ang ugat ng kasalukuyang krisis pampinansya ay ang krisis ng labis na produksyon na hindi kailanman mareresolba ng kapitalismo, hindi magtatagumpay ang mga pagtatangka at pakana ng gobyerno ni Bush at ng mga ‘henyo’ ng pinansya na maresolba ang krisis. Hindi nito maiiwas ang ekonomiya ng US at ng daigdig sa resesyong pinatutunguhan nito ngayon.

2. Ano ang istorikal na konteksto ng krisis sa pinansya at mga yugto ng krisis ng imperyalismo?

Sa kasaysayan ng kapitalismo, matapos nitong tumungo sa yugto ng monopolyo-kapitalismo at imperyalismo, ilang beses nang pumutok ang krisis nito. Halos kada 10 taon ay sumasambulat ito.
Umaabot ng ilang taon ang krisis. Maramihang winawaldas at sinisira ang mga produkto, gayundin ang mga pwersa sa produksyon. Hanggang sa maidispatsa ang natambak na kalakal at unti-unting gumana uli ang produksyon at pamilihan.

At muli, unti-unting bibilis ang pag-andar ng produksyon at palitan. Ang paghakbang ay magiging pagsagsag, ang pagsagsag ng industriya ay magiging pagtakbo, at ang pagtakbo ay tutungo sa walang-patumanggang pag-uunahan sa produksyon, komersyo, pag-utang at pagpapautang, at ispekulasyon, na matapos ang pinakahumahagibis na mga paglukso, ay hahantong na naman sa hukay ng panibagong pagbagsak.

Ang unang yugto ng pangkalahatang krisis ng kapitalismo ay nagsimula matapos umunlad ang kapitalismo sa Belgium, Germany, Netherlands at US. Sanhi ng krisis ng labis na produksyon, hinati nila ang mundo para mapaglagakan ng sarplas na produkto at mapagsamantalahan ang ekonomiya ng mga atrasadong bayan sa Asya, Timog Amerika at Aprika. Sa kabila ng pagbubukas ng mga neokolonya at kolonya, muling pumutok ang krisis noong 1911 na nagresulta sa pagsasara ng mga pabrika at pagkatanggal sa trabaho ng libu-libong manggagawa lalo na sa US.

Ang ikalawang yugto ay ibayong mas matindi pa sa nauna. Sinasaklaw nito ang pagbagsak ng Stock Market hanggang Malaking Depresyon ng 1930s na ang sanhi ay ang ispekulasyon sa industriya ng Real State.

Sa ikatlo at kasalukuyang yugto ng krisis ng kapitalismo, itinutulak ang “neoliberal” na globalisasyon kung saan pinatitindi ang pandarambong sa kolonya at neo-kolonya ng mga imperyalistang bayan. Sa pamamagitan ng International Monetary Fund, World Bank at World Trade Organization, itinutulak ng imperyalismo ang mga patakarang liberalisasyon, pribatisasyon at deregulasyon, lalo na sa mga mahihirap na bansa, upang higit pang makakatas ng higit na tubong sasalba sa krisis nito sa pamamagitang ng murang hilaw ng materyales, murang lakas-paggawa, at upang malayang makapasok ang kanilang kalakal sa panibagong merkado.

Sa pagpupumilit ng kapitalismo na maresolba ang krisis nito, naglulunsad din ito ng digma para sa pang-ekonomiko at panteritoryong dibisyon ng mundo. Ang gera ay isa sa mga industriyang pinaglalagakan ng kapital. Muli ring nabubuhay ang industriya sa pamamagitan ng pagtatayo muli sa mga ito matapos ang pagkawasak na resulta ng digma.

Saklaw ng unang yugto ng krisis ng kapitalismo ang Unang Digmaang Pandaigdig. Isa sa dahilan ng pagputok ng digmaang ito ay ang pag-aagawan ng Germany at Englatera ng kontrol sa Gitnang Silangan na mayaman sa deposito ng langis.

Nagwakas naman ang ikalawang yugto ng krisis at Malaking Depresyon sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Kasabay ng pagtutulak ng “neo-liberal” na globalisasyon sa kasalukuyang yugto ng krisis ay ang paglulunsad ng giyerang agresyon at interbensyon sa iba’t ibang panig ng daigdig. Tampok na mga halimbawa ng gyerang ito ang giyera sa North Korea at Vietnam, Persian Gulf War (1990-1991), pakiki-alam sa Bosnia at Herzegovina (1995-1996), pagsalakay sa Afghanistan (2001) at giyerang agresyon at pagsalakay sa Iraq (2003) sa ilalim ng iba’t ibang tabing tulad ng “war against terror.”

3. Ano ang inaasahang magiging epekto ng kasalukuyang krisis?

Sa pagtindi ng kasalukuyang krisis, inaasahan ang lalo pang pagbagsak sa kabuhayan ng mamamayan hindi lamang sa Amerika kundi sa buong mundo. Bukod sa direktang epekto ng krisis, tiyak ding patitindihin pa ang kahirapan at panunupil bilang resulta ng pagpupumilit ng imperyalismo na makaahon mula sa bangkarote nitong ekonomiya at pagsamantalahan pa ng husto ang mamamayan para humuthot ng kita.

Ipinababalikat ng gobyernong Bush sa mamamayang Amerikano ang krisis na sanhi ng pagkaganid ng mga kumpanyang pampinansya sa pamamagitan ng $700 bilyong bailout na magmumula sa buwis ng mamamayan. Habang isinasalba ang mga kumpanyang ito, wala sa programang bail-out ang pagsagip sa mga nawalan at nangangambang mawalan ng tirahan sa Amerika.

Sa pagsasara ng mga bangko at mga kumpanyang umaasa rito, libo-libo ang nawalan at mawawalan ng trabaho. Sa kasalukuyan, nasa 6.1% na ang tantos ng unemployment sa US, pinakamataas sa nakaraang dalawang dekada. Kasama sa mga manggagawang matatanggalan ng trabaho bunsod ng krisis ang libu-libong mga migranteng mula sa mga atrasadong bansa na inaasahan naman para sa kanilang mga remitanses tulad ng sa Pilipinas.

Dahil konektado ang stock markets ng iba’t ibang bansa, magaganap ang pagbagsak ng ekonomiya hindi lamang ng US kundi ng ibang mga bansa na hahantong sa isang pandaigdigang resesyon. Lalala pa ito dahil hihigpit ang pagkonsumo sa US kaya’t liliit ang order ng import mula sa Latin Amerika at Asya na naka-asa sa pag-eexport ng kanilang mga semi-manupakturang produkto.

Sa patuloy na paglala ng krisis sa pinansya, natutulak ang mga kapitalista na maghanap ng ibang mababalingan ng kanilang sobra-sobrang kapital. Kaya lumilipat ngayon ang ispekulatibong kapital sa pangangalakal ng mga komoditi (commodities futures trading) tulad ng langis, mineral at mga komoditing pang-agrikultura, na inaasahang magtutulak ng higit pang pagsirit ng presyo ng pagkain at enerhiya lampas sa aktwal na kalagayan sa tunay na ekonomiya.

Higit na isusulong ng imperyalismo ang digma upang makalagpas sa kasalukuyan nitong krisis. Ayon sa isang pag-aaral, lalagpas sa $1 trilyon ang magagastos ng gobyerno ng Amerika para sa mga gastusing may kinalaman sa pakikidigma. Sa aktwal, mas malaki pa ang planong gastusin ng Department of Defense ng US kaysa sa pinagsama-samang defense budgets ng ibang mga bansa.

Higit na aatekihin ng imperyalismo ang mga manggagawa at kanilang interes, gaya ng ginawa nito sa mga nakaraang krisis. Lalong ipipilit pababain ang sahod, tatanggalin ang mga benepisyo at papatindihin ang mga atake laban sa kilusang paggawa at mga unyon. Sa isang sarbey, tumaas ang bilang ng mga pinaslang mula 115 noong 2005 tungong 144 sa 2006 dahil sa kanilang pag-uunyon. Sa Pilipinas, mula 2001, mahigit 900 na ang pinaslang ng rehimeng US-Arroyo.

Sa lalong pagkasadlak ng mamamayan ng daigdig sa kahirapan at pagpupumilit ng imperyalismo na mabuhay sa kabila ng isa sa pinakamalalang krisis sa kasaysayan nito, higit pang tatambad ang mga batayang kontradisyon sa sistemang kapitalista – sa pagitan ng mga imperyalistang kapangyarihan; sa pagitan ng burgesya at uring manggagawa; sa pagitan ng imperyalismo at mamamayan at bansang pinagsasamantalahan; at sa pagitan ng imperyalismo at pandaigdigang pakikibakang sosyalista.

Taliwas sa mga pahayag ng papet na rehimeng US-Arroyo, hindi ligtas ang Pilipinas sa krisis pampinansya ng US at ng daigdig. Sa katunayan, lalo nitong palalalain ang kahirapang nararanasan ng mamamayang Pilipino sanhi ng kronikong krisis ng lipunang malakolonyal at malapyudal.

Tampok sa mga kagyat na epekto ng krisis ang pagkalugi ng mga lokal na bangko at institusyong pampinansya na may exposure sa mga naluging bangko sa US tulad ng Banco de Oro, Development Bank of the Philippines, Metrobank, at iba pa. Kahit ang Government Security Insurance Service ay may bilyong dolyar na ipinuhunan sa US at iba pang pamilihang pampinansya sa ibayong dagat. Inaasahan rin ang pagbagsak sa $4 Bilyon na remitans ng halos 10 milyong Pilipinong migrante, at pagbagsak ng foreign investments na inaasahan ng ating ekonomiya na may lumiliit na sektor ng produksyon (17% na lamang sa agrikultura at 20% sa manupaktura).

Ang mga epektong ito ay palalalain ng pagpapatindi ng pakanang liberalisasyon, pribatisasyon at deregulasyon ng rehimeng Arroyo alinsunod sa “neo-liberal” na globalisasyon na itinutulak ng kanyang among US. Tatanggalin ang anumang natitirang proteksyon sa ating ekonomiya upang mapagsamantalahan ng mga imperyalista at mga lokal na kasabwat nitong malaking burgesya kumprador at panginoong maylupa.

4. Sa kasaysayan, paano hinarap ng aping mamamayan ang pagputok ng krisis ng imperyalismo? Sa kasalukuyang krisis, ano ang tungkulin ng mga progresibong puwersa?

Kasabay ng pagtindi ng kahirapan ng mamamayan ang pagtindi ng kanilang kapasyahan na ibagsak ang sistemang mapagsamantala. Sa pagputok ng krisis, lalong nalalantad ang pagkabulok ng sistemang kapitalista na nagtutulak sa mamamayan na lumaban para ibagsak ito at palitan ng isang sistemang nagtataguyod ng kanilang interes.

Nilalantad ng kasalukuyang krisis sa pinansya na marapat at makatarungan ang paglaban ng mamamayan laban sa anumang tangka ng imperyalismo at lokal na mga kasapakat nito na ibaling sa mamamayan ang bigat ng pagsalba rito sa krisis na kanyang kinasasadlakan. Lalo lamang nitong pinalalakas ang batayan para labanan ang mga neo-liberal na patakarang tulad ng higit na pagpataw ng buwis (VAT at iba pa), at ipagtanggol at itaguyod ang karapatan para sa trabaho, mas mataas na sahod at iba pang serbisyong panlipunan. Higit pa, nalalantad na ang tangi at ultimong sulosyon sa isang lipunang batbat ng krisis ay ang pagpawi sa lipunang nakabatay sa uri at pagsasamantala.

Ang tagumpay ng rebolusyon sa Rusya noong 1917 ay naghudyat sa pagpasok ng daigdig sa yugto ng sosyalismo. Mahalagang ipunto na nagtagumpay ang rebolusyong ito matapos ang pagputok ng krisis ng kapitalismo na nagresulta sa unang digmaang pandaigdig. Matapos ang WWII, sunod-sunod naman ang tagumpay ng pakikibaka ng mamamayan sa Tsina, Vietnam, Cuba at North Korea.
Sa pamamagitan ng pagsasabansa sa mga industriya at kagamitan sa produksyon, sinosulusyonan ng isang lipunang sosyalista ang pribadong apropriyasyon at anarkiya sa produksyon. Winawakasan ang monopolyo at pagsasamantala sa iilan habang inilalatag ang kondisyon para sa tuluyang pagpawi sa uri.
Sa bawat pagputok ng krisis at pagtindi ng mga tunggalian sa kapitalismo, lumalakas ang mga pakikibakang anti-imperyalista at mga kilusan para sa pambansang paglaya. Tungkulin ng lahat ng aping mamamayan, lalo sa panahon ng papatinding krisis ng imperyalismo, ang ilantad ang kabulukan nito at magpunyagi sa pakikibaka laban dito.

Sa Pilipinas, kinakailangan ang ibayong pagsusulong ng pambansa-demokratikong pakikibaka na may sosyalistang perspektiba. Kabilang sa programa ng pakikibakang ito ang pagwawakas sa dayuhang kontrol sa ekonomiya, pulitika, kultura at ugnayang panlabas ng bansa. Layunin din nito ang pambansang industriyalisasyon at tunay na repormang agraryo. Ito lamang ang magtitiyak sa kumprehensibong pag-unlad ng bayan na tumutugon sa pangangailangan ng mayorya sa halip na sa dayuhan at iilan.

Sa kagyat, kailangang labanan ang pagtatangka ng mga imperyalista at lokal na naghaharing-uri na ipapasan sa balikat ng mamamayan ang buong bigat ng kasalukuyang krisis. Dapat palakasin ang ating pakikibaka para sa economic relief measures tulad ng pagbasura sa RVAT sa langis, P125 across the board wage increase, mas malaking badyet para sa batayang serbisyo, suspensyon sa pagbabayad ng utang panlabas, at iba pang demokratikong kahilingan ng mamamayan. Kailangan din nating pahigpitin ang ating pakikipagkaisa sa mamamayan ng ibang bansa na nakikibaka din sa pananalasa ng imperyalismo.

Tanging sa pagsusulong ng pakikibakang ito makaka-asa ang mamamayan ng isang lipunang tunay na masagana at makatarungan para sa lahat. ###

Sanggunian:
Ecumenical Institute for Labor and Industrial Relations (EILER), Hinggil sa Pandaigdigang Krisis Pampinansya, September 2008;
Foster, John Bellamy, The Financialization of Capital and the Crisis, Monthly Review, http://monthlyreview.org/080401foster.php, April 2008;
Lotta, Raymond, Financial Meltdown and the Madness of Imperialism, http://www.countercurrents.org/lotta260908.htm, September 2008;
Villegas, Edberto, The Political Economy of the Current (2008) Capitalist Financial Crisis, http://bulatlat.com/main/2008/09/27/the-political-economy-of-the-current-2008-capitalist-financial-crisis/, September 2008;
Lenin, V.I. Imperialism, the Highest Stage of Capitalism, 1917
Sison, Jose Maria, The Policy of “Neoliberal” Globalization and Worsening Economic Crisis in the Philippines, http://www.lfs.ph/2008/09/10/the-policy-of-neoliberal-globalization-and-worsening-economic-crisis-in-the-philippines/, September 2008;
IBON Foundation, On the global economic and financial crisis, http://www.lfs.ph/2008/09/20/on-the-global-economic-and-financial-crisis/, June 2008