Yes we can, too
“Vencer has started a conversation: Grabe. Ang saya nila o. Nagsasayawan sa kalsada ang mga Amerikano!”
Hindi ako nakapagpigil at kinailangang i-chat ang mga kaibigang online noon habang namamanghang pinapanuod sa YouTube ang pagdiriwang ng mamamayan sa Amerika sa pagkapanalo ni Barack Obama.
Ang pagkamangha ay bahagya pang nahaluan ng inggit nang sa isang video, ipakita na ispontanyong nagmamartsa papunta sa White House ang mga tao sa Washington DC.
Nagbubusinahan a-la Katipunan noise barrage ang mga sasakyan. Nagkakamayan at nagyayakapan ang hindi magkakakilala.
—-
”Siyempre naman impe pa rin, at syempre ruling class pa rin ang kakatawanin nyan. Pero parang People Power! Umiiyak si Oprah! Hehe.”
Nagiging mas malinaw ang importansya ng pagkapanalo ni Obama para sa mamamayan ng Amerika at daigdig. Isa itong malakas na pahayag laban sa militarista, anti-mamamayang rehimeng Bush at matinding pagpapakita ng kagustuhan na magkamit ng pagbabago.
Sabi ng TV reporter na nag-ulat ng pagkapanalo ni Obama, hindi lang pagboto ang naganap kundi isang kilusan. Sa sumunod na araw, kinumpara ng isang kolumnistang Pilipino ang naganap sa ating pag-aalsang EDSA.
Sa speech ni Obama, aniya, walang imposible sa Amerika. Pero mas angkop marahil: walang imposible sa pagkakaisa ng taumbayan at kilusang masa.
Pinakita ng mamamayang Amerikano na sa kanilang pakikilahok, sa pagkakaisa at sa sama-samang pagpapanawagan, makakahakbang pasulong tungo sa pagbabago. Pero gaya rin ng EDSA, dapat na maintindihang nasa kilusang masa ang tunay na kapangyarihan. Dapat itong tuloy-tuloy na palakasin, at dapat na tuluy-tuloy na maging mapagbantay at maging aktibo sa pagususulong ng mga batayang interes ng mamamayan kung ayaw nilang mauwi sa wala ang kanilang tagumpay.
—-
”Yes we can! ”
Pinanuod ko ulit at ibinahagi sa mga kaibigan ang video ng pananalita ni Obama na kinanta ng mga artista at mga tanyag na personalidad. Kinakatawan ng video ang pagiging malikhain ng kampanya sa pag-abot at pagpapakilos sa mga tao lalo na sa kabataan, at paggamit ng iba’t ibang paraan para sa pag-oorganisa.
Maraming mainam na matutunan ang mga kabataang aktibista dito hinggil sa pagiging malikhain ng pangangampanya at pagpapakilos hinggil sa mga isyu at usapin, gayundin sa pagsamantala sa iba’t ibang larangan at porma ng pagpapakilos. Hamon sa mga paaralan at komunidad kung paano mas mahusay na mapupukaw ang imahinasyon ng mga kabataan, mabibigyan sila ng tiwala sa lakas ng sama-samang paglaban, at sa pamamagitan ng iba’t ibang porma ay mapakilos sila at maorganisa sa laksang bilang.
—-
“Yes we can too!”
Sa Amerika, dinaig ng mga mamamayan ang isang pasista at anti-mamamayang rehimeng Bush. Pinili nila ang landas ng pagbabago laban sa pakana ng mga tirano at mapang-abuso.
Dito sa Pilipinas, ganoon din ang hamon sa mamamayan: tapusin na ang rehimeng Arroyo at sama-samang manindigang laban sa pangungurakot, panunupil, at pambubusabos. Sa harap ng pagtindi pa ng mga pakana ng rehimen na makapanatili sa pwesto lampas ng 2010 at pahirapan pa ng lubos ang taumbayan, tiyak na paparating ang mga tagumpay para sa mamamayang pipili sa landas ng paglaban at pagbabagong panlipunan.
—-
“Status message: Vencer has gone offline (and started discussions on movement-building, prop work, US financial crisis and the Obama victory)“
*Mula sa kolum Radical Pinoy ang kolum ni Vencer Crisostomo, pambansang tagapangulo ng LFS sa Pinoy Weekly.
20th November 2008 | Filed under: Blogs | Click here to follow any responses to this entry: RSS 2.0 feed
Related Posts:
Fatal error: Call to undefined function similar_posts() in /home/lfs/lfs.ph/wp-content/themes/mimbo2.2/single.php on line 41