Harapin ang Krisis, Kumilos Para sa Panlipunang Pagbabago

commitmentoctober.jpg

I-click para madownload ang .pdf kopya ng Primer

Harapin ang Krisis, Kumilos Para sa Panlipunang Pagbabago

Ang bagong taon ay nangangahulugan ng pagharap ng kabataan at mamamayan sa papaigting na panlipunang krisis.

Hindi na maikaila ng rehimeng US-Gloria Macapagal Arroyo at mga lokal na kasapakat nito ang dinaranas at daranasing malalang krisis sa ekonomiya dulot ng kasalukuyang pandaigdigang resesyon. Hindi na kayang pasubalian ng anumang mga pahayag nito ang nakaambang matinding pandarahop at ipalabas na minimal lamang ang magiging epekto ng tinaguriang Great Depression II sa kabuhayan ng mga mamamayan sa buong daigdig.
Bago pa man matapos ang nakaraang taon, sinalanta na ng malawakang disempleyo ang mga manggagawa sa buong daigdig dulot ng malawakang tanggalan sa mga nabangkaroteng mga empresa at negosyo. Pinakahuling nagpahayag ng pagkabangkarote (bankruptcy) ang tatlong dambuhalang automotive companies sa US, ang Ford, Chrysler at General Motors, na magreresulta sa malawakang tanggalan sa trabaho kahit pa nagdeklara na ang gobyerno ng US ng bailout para sa mga ito. Ang General Motors, halimbawa, ay may tinatantyang magtatanggal ng 30,000-100,000 manggagawa dulot ng kanilang pagkalugi.

Sa US pa lamang, tinatayang may 4 milyong manggagawa ang mawawalan ng trabaho pagsapit ng unang kwarto ng taong ito. Hindi pa man tuwirang pumuputok ang pandaigdigang resesyon ay milyun-milyon na ang nabubuhay sa $1-$2 sa isang araw.

Sa Europian Union, tinataya ang malakihang tanggalan ng trabaho sa North Eastern England. Sa Germany, may 10-15% ang inaasahang mawawalan ng trabaho sa mga automotive companies pa lamang. Nagdeklara na rin ang General Motors at Nissan-Renault sa Spain ng malawakang tanggalan dulot na pagbagsak ng benta ng kotse sa halos 40% Oktubre pa lamang noong nakaraang taon (Agence France Presse). Sa pinakahuling balita mula sa Wall Street, tinatayang may 200,000 ang matatanggal sa trabaho sa buong mundo bago pa man matapos ang Enero 2009.

Gayundin, sunud-sunod ang pagsara maging ng mga komersyal na bilihan, kainan at serbisyo hindi lamang sa US kundi maging sa iba pang mga abanteng bansang tinamaan din ng resesyon. Hirap ang mga kumpanyang nasa linya ng consumer retail dahil patuloy na bumubulusok ang kakayahan ng mga mamamayan para bumili ng kanilang mga produkto. Bumagsak na ang share prices ng JC Penney at Nordstrom, dalawang malalaking department store sa US. Sa London, nagsara na ang ilang mga sangay ng Marks and Spencer at Bloomingdale’s. Mahigit 100 sangay na rin ng Starbucks ang nagsara sa US noong Nobyembre pa lamang (USNews.com, Nobyembre 2008)

Bagsak na rin maging ang ilang malalaking kumpanya ng electronics at teknolohiya. Ang Vodafone Group PLC, ang pinakamalaking kumpanya ng mobile cellular phone sa buong mundo, ay hindi na makaraos sa pagbagsak ng halaga ng mga stocks nito (Associate Press, Nobyembre 2008). Nagsampa na ng hiling para sa bailout ang Circuit City Stores Inc, habang ang Best Buy, isang electronics retail chain, ay nagdeklara na rin ng pagkalugi (USNews.com, Nobyembre 2008). Patuloy namang humahaba ang listahan ng mga real estate companies na nababangkarote dulot ng pagputok ng tinaguriang housing bubble/subprime mortgaging.

Kaalinsabay naman nito ang lumolobong utang ng gobyernong US at iba pang bansa, malalaking multinasyunal na kumpanya, hanggang ng mga tahanan at mamamayan dulot ng kasalukuyang pinansyal na krisis.

Kahit ang matagal nang taktika ng US na manggera para isalba ang kanyang ekonomiya ay hindi na kayang isalba ito sa krisis, bukod pa sa lalong nabubunyag ang tunay na interes ng US sa mga gerang agresyon sa Iraq at Afghanistan. Nitong huli, malawak ang pagkondena ng mamamayan sa buong daigdig sa tuwirang pagsuporta ng gobyernong US sa pambobomba ng Israel sa Gaza na patuloy na pumapatay at sumasalanta sa mga inosenteng sibilyan sa likod ng motibong makontrol ang pipelines sa Gaza. Matagal nang nalantad ang ‘gera laban sa terorismo’ ng US bilang taktika para sa makasariling interes nito.

Epekto na krisis sa malakonyal at malapyudal na Pilipinas

Samantala, anumang paliwanag ni Arroyo na hindi o minimal lang ang magiging epekto ng pandaigdigang krisis ay hindi na makakalusot sa mamamayan. Sa halip, mas magiging masahol malala, matagal at mapanalanta ang resesyon sa mga atrasado at pre-industriyal na mga malakolonya tulad ng Pilipinas.

Tumaas na naman ang presyo ng bilihin, tulad ng LPG at pagkain. Habang ayon sa huling Social Weather Station sarbey, 52% ng mamamayang Pilipino ang tinuturing ang kanilang sarili na mas mahirap pa sa daga. 23.7% (21.5 milyon katao) ng mamamayang Pilipino ang dumaranas ng iba’t ibang antas ng kagutuman. Mas malala pa rito ang 40% tantos ng kagutuman, ayon sa sarbey ng Gallup International nitong Nobyembre. Doble ito ng pandaigdigang average at naglagay sa Pilipinas bilang ikalima sa talaan ng kagutuman sa buong mundo.

Nauna na ring binaggit ng Ibon Foundation na para makaagapay sa krisis, mas maraming buwis na babayaran ang mamamayan ngayong 2009. Tunguhin, halimbawa, ng gobyernong US-Arroyo na magpataw ng mas marami at panibagong mga buwis ngayong taon ito na aabot sa P12-25 bilyon sa pamamagitan ng buwis sa tabako, alkohol (sin taxes) at maging sa ‘Internet blogging’ para lamang makapangalap ng dagdag-pondo sa gitna ng krisis.

Tuwiran rin ang magiging epekto ng resesyon sa eksport ng bansa. Pangunahin na rito ang industriyang elektroniks na nagluluwal ng 67-70% ng eksport ng Pilipinas, kalakhan sa US. Bunga ng pagdausdos ng pandaigdigang pamilihan para sa mga produkto nito, bumabagsak ito nang mahigit 30% kada buwan, at inaasahang patuloy na babagsak ngayong taon. Marami sa mga 600,000 manggagawa sa industriyang ito ay pinagtatanggal na o nanganganib na matanggal.

Gayundin ang magiging epekto sa OFW remittances. Tinatayang 30,000 migranteng Pilipino na ang nahagip ng malawakang tanggalan sa US. 500,000 migranteng Pilipino na mawawalan ng trabaho at maoobligang umuwi (Ibon Databank).

Tiyak din ang magiging epekto ng kasalukyang krisis sa kabataang Pilipino, habang patuloy namang tumataas ang halaga ng edukasyon sa bansa dulot pa rin ng mga patakarang pribatisasyon, komersyalisasyon at deregulasyon ng matrikula. Noong nakaraang taon, 378 sa mahigit 1,800 pribadong kolehiyo at unibersidad sa bansa ang nagtaas ng matrikula. Tumaas ng 9.93 porsiyento ang matrikula o P38.92 mula noong 2007 na naglagay sa national average tuition rate sa P437.10 kada yunit. Tinatayang lalong dadami pa ang mga administrasyong magpapanukalang itaas ang kanilang mga matrikula ngayong darating na Pebrero sa bisa ng muling pagpapataupad ng Commission on Higher Education (CHEd) Memorandum 13. Habang tiyak din ang patuloy na paglunsad ng mga state college and university ng tinaguriang income generating projects sa muling pagkaltas sa badyet sa sektor ng edukasyon sa inaprubahang pambansang badyet ngayong 2009. Pinakahuling dagdag-pasakit naman sa mga estudyante ang ipinataw ng CHEd na karagdagang isa pang taon sa kursong nursing na magiging epektibo sa susunod na academic year (2009-2010).

Samantala, apektado rin maging ang mga nagtatrabaho sa mga semi-processing zones at business process outsourcing (call centers). Sunud-sunod na rin ang malawakang tanggalan sa trabaho maging sa mga lokal na sangay ng mga kumpanyang multinasyunal dito sa bansa, tulad ng Intel sa Cavite at Texas Instruments sa Baguio na pawang nakararanas ngayon ng matinding pagkalugi. Tinatayang mas dadami pa ito sa mga susunod na buwan, habang walang ibang tugon ang gobyerno kundi ang mamigay ng mga panandaliang subsidyo o di kaya’y dole-outs. Lolobo ang disempleyo, laluna pagsapit ng graduation sa Marso.

Desperasyon ni Arroyo na makapanatili sa estado-poder sa gitna ng malawakang krisis

Sa gitna ng tuluyang pagkakahiwalay ni Arroyo sa mamamayan dulot ng krisis, gayon pa rin ang kanyang desperasyong makapanatili sa pwesto.

Walang kamatayang charter change
Bagamat malaon nang nailantad ang motibo ni Arroyo sa cha-cha at sa kabila ng malawak na pagtutol dito ng mamamayan, cha-cha pa rin ang pangunahing inaasahan ni Arroyo para manatili sa pwesto at maisalba ang sarili sa paniningil ng mamamayan.

Maging ang kinakaharap na pinakamatinding krisis sa ekonomiya ng mamamayan ay kinakasangkapan ni Arroyo para igiit ang cha-cha – sa pamamagitan ng pagtanggal ng mga ilang nalalabing proteksyon sa Konstitusyon para sa pambansang patrimonya at soberanya. Pangunahin dito ang pagtanggal sa probisyong naglilimita sa dayuhang pag-aari sa bansa para diumano mas makapang-akit ng dayuhang negosyo at pamumuhunan ngayong panahon ng krisis. Ani House Speaker Prospero Nograles, ito raw ang pinakamainam na paraan gayong tiyak na naghahanap ng mapaglalagakan ng kapital ang mga kumpanya sa US at iba pang mga bansa ngayong panahong ng global financial crisis.

Nitong huli, tumambad sa publiko ang pakanang pagpapatalsik kay Supreme Court Chief Justice Reynato Puno ng mga kaalyado ni Arroyo sa Kongreso. Mabilis na binatikos ito ng Oposisyon at iba pang mga sektor at grupo. Sa pakanang ito, walang ibang makikinabang kundi si Arroyo at ang panukalang cha-cha dahil si Puno na lamang ang matitirang mahistrado na hindi kontrolado ng Malakanyang sa Korte Suprema matamang magretiro ang pito sa kanila ngayong Enero. Sa kasalukuyan, 12 sa 15 na mahistrado ay appointees ni Arroyo. Ang pinakahuling mahistradong in-appoint sa Korte Suprema, si Associate Justice Diosdado Peralta, ay kilalang malapit na kaibigan ni Arroyo.

Ngayong muling magbubukas ang Kongreso, tiyak namang ipagpipilitan ni Arroyo ang paggiit sa ‘magkasanib na Constitutional Assembly (unilateral Con-Ass)’ kahit na siguradong tatanggihan ito ng Senado at idineklara na ring labag sa batas. Paborable ang isang magkasanib na Con-Ass para kay Arroyo lalo pa’t mayorya ng Kongreso ay kanyang mga kaalyado – tulad ng kung paanong nakasangkapan niya ang kanyang mga kaalyado upang ibasura ang naunang mga impeachment complaint laban sa kanya. Sa nauna nang pinagsanib na resolusyon ng lahat ng mga Senador kontra-Con-Ass, tinatayang ang Korte Suprema ang huling hantungan para maipasa ang panukalang cha-cha.

Pasismo, panunupil at panlilinlang
Dahil desperadong makapanatili sa pwesto, ginagawa ni Arroyo ang lahat ng paraan upang hatiin, hadlangan at supilin ang hanay ng mga ligal na oposisyon at kilusang masa. Tuluy-tuloy ang pagbigwas ni Arroyo ng pulitikal na panunupil at dahas, pangunahin na sa mga lider-aktibista at kasapi ng mga aktibistang organisasyon. Tampok ngayon ang ‘kriminalisasyon’ ng mga aktibista sa pamamagitan ng pagsampa ng mga kasong pulos paratang at walang batayan.

Samantala, patuloy pa rin ang extra-hudisyal na pagpatay at forced disappearances na sangkot ang hinihinalang mga elemento ng militar.

Tagos naman ang bangis ng panunupil ng estado maging sa mga kampus at eskwelahan. Ilang mga lider-estudyante ang hayagang pinararatangang mga ‘NPA recruiter at komunista’ at sukdulang sampahan ng gawa-gawang kasong rebelyon ang limang estudyante ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) sa Lopez, Quezon.

Patuloy ang paglulunsad ng mga forum at symposium ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pamamagitan ng ROTC (Reserved Officers Training Corps) na walang ibang layunin kundi siraan ang mga aktibista at progresibong organisasyon ng mga kabataan sa mga eskwelahan.

Panlilinlang din ang isinusulong na nag-aastang progresibong Magna Carta of Students ni Akbayan Rep. Risa Hontiveros-Baraquel sa Kongreso na naglalaman ng mga panukalang magliligalisa, reguralisa at magpapahintulot ng higit pang panunupil sa mga estudyante.

At habang papalapit ang Eleksyong 2010, ngayon pa lang, unti-unti nang kinokonsolida ni Arroyo ang kanyang makinarya para sa malawakang dayaan, panunupil at panlilinlang. Nitong huli, tampok ang isinagawang Cabinet revamp ng Malakanyang kung saan pawang mga retired general, ang ilan sa kanila’y sangkot sa kontrobersyal na Hello Garci, (Razon bilang Presidential Adviser on the Peace Process, Esperon sa Presidential Management Staff, Danga bilang AFP Chief of Staff, atbp.) ang itinalaga ni Arroyo sa mga susing pusisyon sa kanyang Gabinete, habang si Retired Gen. Jovito Palparan ay nababalitang itatalaga sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)at/o Dangerous Drugs Board (DDB).

Harapin ang krisis! Kumilos para sa panlipunang pagbabago!

Napakapaborable ng kasalukuyang krisis para lalong magkaisa ang kabataan at mamamayan na kumilos para sa panlipunang pagbabago.

Hamon sa atin sa kasalukuyan na mas patiningin ang pambansa-demokratikong pagsusuri at solusyon sa harap ng malawakang kahirapan, kagutuman at lumalalang pasismo at tiraniya ng rehimen.

Kailangang maging mapagmatyag at mapagbantay sa mga kaganapan pag-usad ng mga usaping pambansa habang patuloy na inilalantad ang kabulukan ng imperyalistang sistema sampu ng pandaigdigang resesyon.

Kailangang puspusang maglunsad ng tuluy-tuloy at sustinidong malawakang kampanyang higit na maglalantad sa desperasyon ni Arroyo na makapanatili sa pwesto. Nakaamba ang kaliwa’t kanang mga pakana kabilang na ang iba’t ibang mga iskema at paraan sakaling mabigo ang cha-cha at matuloy ang halalan sa 2010. Hindi kailanman pahihintulutan ni Arroyo na mawala sa estado-poder dahil nangangahulugan ito ng kanyang pagharap at pagkakalaboso sa lahat kanyang mga krimen sa mamamayan.

Kailangang tiyakin ang pagkakawing ng mga isyung lokal at sektoral sa paniningil sa rehimeng US-Arroyo. Malakas na labanan ang mga pakana ni Arroyo para atakehin at supilin ang mga demokratikong karapatan at interes ng mamamayan.

Kailangang mag-ipon ng sapat na lakas at pwersa ang kilusang kabataan at masa upang masustini ang kampanya laban sa diktadura at panunupil ni Arroyo habang masusi at patuloy na ikinakampanya sa pinakamalawak na bilang ng masang kabataan at mamamayan ang kawastuhan ng pambansa-demokratikong pakikipaka. Magagawa lamang ito kung sasanib ang kilusang kabataan-estudyante sa hanay ng batayang masa. Ang sustinido at solidong lakas ng kabataan at mamamayan ang siyang magiging salalayan para sa inaasahang bugso ng kampanyang masa ngayong taong ito.

Tanging sa isang dumadagundong kilusang masa mapagtatagumpayan ng mamamayan ang laban para sa tunay na pagbabago, demokrasya at katarungang panlipunan. ###