Primer on the VFA

COMMITMENT March 2009

I-click para madownload ang .pdf kopya ng COMMITMENT

Noong Pebrero 11, naglabas ng desisyon ang Korte Sumprema hinggil sa tatlong petisyong inihain nina dating Senador Jovito Salonga at Wigberto Tanada, Bagong Alyansang Makabayan et. al., at ng Subic rape victim na si “Nicole” hinggil sa pananatili ng convicted rapist na si Lance Corporal Daniel Smith sa ilalim ng kustodiya ng Embahada ng Estados Unidos.

Bagama’t ipinag-utos ng korte sa DFA na makipagnegosasyon sa Estados Unidos (EU) para mailagay si Smith sa kustodiya ng Pilipinas, muli naman nitong itinaguyod ang konstitusyunalidad ng Visiting Forces Agreement (VFA). Dagdag pa, ang pag-uutos na bawiin ng Pilipinas ang kustodiya kay Smith ay nasa balangkas ng pagiging labag nito sa VFA, sa halip na igiit ang awtoridad ng gobyerno sa loob ng teritoryo nito.

Ayon sa mayorya ng korte, nakamit ng VFA ang mga rekisitos para sa isang tratado sa ilalim ng batas ng Pilipinas. Dagdag pa nila, ang VFA, bilang implementasyon ng 1951 Mutual Defense Treaty, ay nagtataglay din ng bisa ng isang tratado. Bagama’t iba raw ang prosesong dinadaanan ng pagpapatibay at pagkilala ng tratado sa ibang bansa tulad ng EU, hindi nito nababawasan ang bisa ng VFA bilang isang kasunduang mahigpit na ipapatupad ng magkabilang panig.

Pero ayon kay Chief Justice Reynato Puno, Associate Justice Antonio Carpio at dalawa pang hindi pumanig sa mayorya ng korte, sablay ang VFA sa pagiging konstitusyonal pagka’t hindi pantay ang pamantayan sa ratipikasyon at pagpapatupad ng VFA sa pagitan ng dalawang bansa. Bagama’t ang VFA ay dumaan sa ratipikasyon ng Senado alinsunod sa Konstitusyon ng Pilipinas, di ito dumaan sa ratipikasyon ng Senado ng EU. Nagbigay lang ng pahayag ang US embassy sa Pilipinas na kinikilala ng EU ang VFA bilang isang tratado. Insulto sa soberanya ng Pilipinas ang ganitong kalagayan, ayon sa minorya.

Ayon naman sa mga abogado ng mga nagpetisyon sa Korte, dapat sanang pinawalang bisa ang VFA upang lalong lumakas ang pusisyon ng Pilipinas sa pagbawi kay Smith.

1. Ano ang Visiting Forces Agreement?

Ang VFA ay isang kasunduan sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at EU na naglalayong ipagpatuloy ang “pagtutulungang pang-militar” ng dalawang bansa. Naipasa ito noong Mayo 1999 sa ilalim ng papet na rehimeng Estrada sa gitna ng matinding protesta ng mamamayan. Ito ay isang solusyon sa pagkaudlot ng pananatili ng mga tropang amerikano noong 1991 dahil sa malawakang protesta ng mamamayan na dumulo sa pagbabasura ng Senado ng Pilipinas sa pagpapalawig ng pananatili ng mga base militar ng EU sa Pilipinas.

Ang VFA ay isa lamang sa maraming di-pantay na kasunduan at tratado sa pagitan ng reaksyunaryong gobyerno ng Pilipinas at imperyalistang EU matapos ibigay ng huli ang huwad na “kalayaan” ng nauna noong 1946. Bahagi ito ng patuloy na pangangailangan ng US na panatilihin ang pwersa’t presensya nito sa rehiyon ng Timog Silangang Asya. Kailangan din ito ng US para manghimasok sa internal na usapin ng Pilipinas, lalo na laban sa mga pwersang kontra sa impreyalistang interes.

2. Bakit natin tinututulan ang VFA?

a. Lumalabag ito sa pambansang soberanya at teritoryal na integridad ng Pilipinas. Ang VFA ay nagpapahintulot sa interbensyon ng US sa Pilipinas. Layon nito na panghimasukan ng US ang mga internal na usapin ng bansa gaya ng pakikibaka ng mamayang Moro para sa pagpapasya sa sarili at ng rebolusyunaryong kilusan para sa pambansang demokrasya dahil pangunahing layunin ng mga kilusang ito ang pagtanggal ng dominasyon ng US sa bansa.

Itinatali din ng VFA ang Pilipinas sa US sa pamamagitan ng mga ayudang militar. Kabilang dito ang counter-terrorism training, at Excess Defense Articles. Pero tulad ng panahon ng base militar, ang mga pagsasanay militar at ayudang militar ng US sa Pilipinas ay di naman nagresulta sa modernisasyon ng AFP, bagkus ginagamit ng imperyalismo ang ayudang militar upang mapresyur ang gobyerno ng Pilipinas na ipatupad ang mga polisiyang itinutulak nito tulad ng liberalisasyon, pribatisasyon at deregulasyon.

Pinahihintulutan nito ang pagpasok at pananatili ng walang hanggang bilang ng dayuhang tropa sa bansa. Hindi nagbabayad ng customs duty at hindi nangangailangan ng VISA ang mga tropang kano na pumapasok sa bansa. Sa katunayan, walang pamamaraan ang Pilipinas upang matiyak kung sino-sino, gaano karami, at gaano katagal mananatili ang mga tropang pumapasok.

Hindi na rin maituturing na mga “bisita” ang mga tropang Kano dahil naka-base na sila sa Zamboanga, sa tinatawag na Joint Special Operations Task Force Headquarters sa Camp Navarro. Mula pa 2002 ay naka-istasyon na sila sa kampo, sa tinatawag na isang mistulang Forward Operating Base.

Kung sa military bases ay tiyak at tukoy ang lugar na maaaring “bisitahin” ng mga tropang Kano, sa VFA ay hindi na ito tinukoy. Kung gayon, maaari ng ituring na base ang buong bansa.

Hindi rin nililimitahan ng VFA ang mga aktibidad na maaaring gawin ng mga tropang Kano. Kaiba sa RP-US Military Bases Agreement, ang VFA ay isang kasunduang walang taning. Mawawalan lang ng bisa 180 matapos magpahayag ang isang panig.

b. Nasa disbentahe ang Pilipinas sa VFA, habang sinisiguro naman nito ang bentahe ng US. Sa pagkilala pa lang ng VFA bilang tratado, ang Pilipinas lamang ang tumupad sa proseso ng ratipikasyon at kumikilala dito bilang tratado, samantalang ang US ay hindi ito niratipika at kinikilala bilang tratado. Sa ganitong kalagayan ay walang panangutan ang US sa pagtupad o paglabag sa VFA, habang lubos na pinapatupad ito ng ating pamahalaan.

Sa kalagayan ng mga tropa, malayang makakapasok ang tropang Kano ng walang oppisyal na maga dokumento di gaya ng rekisitos sa mga tropang Pilipinong papasok ng Amerika. Sa kalagayang may nilabag na batas ang mga tropang Kano, sila ay maaaring manatili sa kustodya ng US habang nililitis ang kanilang kaso. Bagama’t sinasabing nasa jurisdiction ng Pilipinas ang mga Kano, katawa-tawang hindi ito nangangahulugan ng kustodya. Samantala, sa ilalim ng VFA 2, ang dumadalaw na tropang Pinoy na lumabag sa batas ng US ay ilalagay agad sa kustodya ng Amerika.

Hanggang sa ngayon, wala pa ring tunay na hustisya na nakakamit sa Nicole pagka’t hindi naman talaga naikulong si Smith bagama’t napatunayan na sa Korte na siya ay nagkasala sa kasong rape. Hindi nagdalawang isip ang gobyerno ni Arroyo na isuko si Smith sa Embahada ng US matapos ibaba ang hatol.

Sa kabila ng pinakahuling desisyon ng Korte Suprema, wala pang tiyak na hakbang ang rehimeng Arroyo upang sundin ang utos ng Korte. Ginagamit nito ang kahinaan sa desisyon ng Korte na nagpapanatili ng “status quo” (pagkulong kay Smith sa Embahada ng US) habang nagaganap ang negosasyon. Wala ring ibinigay na taning sa negosasyon at ayon sa administrasyon, mailalagay lamang si Smith sa kulungan sa Pilipinas kapag tapos na ang lahat ng “judicial proceedings,” kasama na ang apila sa CA at hanggang sa SC.

Maliban kay Smith, wala nang iba pang sundalong Amerikano na nakasuhan sa kabila ng ilan pang mga krimeng kanilang nagagawa sa paglulunsad ng kanilang military exercises.

c. Ang VFA ay ginagamit ng US at ng reaksyunaryong gobyerno upang supilin ang mamamayan. Sa ilalim ng tabing ng mga gawa-gawang humanitarian at medical missions, lumalahok din ang mga tropang kano sa direktang operasyong militar, mula sa pagsama sa mga combat patrols, armadong convoy, hanggang sa pagsasagawa ng paniniktik sa mamamayan, mga progresibong grupo at indibidwal, at mga rebolusyonaryong kilusan.

d. Ang VFA ay nagsisilbing banta sa seguridad at kaligtasan ng mamamayan. Dahil maaari tanggihan ng US ang inspeksiyon ng anumang barko at kagamitang ipapasok sa ilalim ng VFA, malayang makapagdadala ng armas nukleyar ang US kahit labag ito sa ating konstitusyon. Sa panggegera ng US sa iba’t-ibang bansa sa Asya, hindi malayo na tayo ang atakihin ng mga kalaban nito bilang tayo ang mas malapit at walang kakayahang magtanggol.

Napatunayan na rin sa kasaysayan ng Pilipinas at iba pang bansang ginera ng US gaya ng Iraq, ang pagtindi ng paglabag sa mga karapatang pantao sa presensiya ng tropang Kano. Kasabay din ng pagdating ng mga tropang Kano ang paglaganap ng mga anti-sosyal na aktibidad gaya ng prostitusyon.

3. Ano ang ating kagyat at pangmatagalang mga tungkulin?

Ang VFA, tulad ng iba pang mga kasunduang itinutulak ng imperyalismong EU sa Pilipinas ay isang kasunduang nagpapanatili sa kolonyal na relasyon ng dalawang bansa. Hindi natin maaasahan ang rehimeng Arroyo na ito ay ibasura at igiit ang soberanya ng Pilipinas dahil sa mahabang rekord nito ng pagapakatuta at pagiging sunud-sunuran sa kanyang imperyalistang amo. Tulad ng pagbabasura sa military bases noong 1991, tanging sa pagkilos ng malawak na hanay ng mamamayan tayo makakaasa na ito ay maibasura.

Sa partikular:
a. Tipunin ang malakas na sintimiyento ng mamamayan laban sa VFA. Kinakailangang magsagawa ng mga malapat na aktibidad upang matipon ang iba’t ibang grupo, personalidad at institusyon na kontra sa VFA. Maaaring pangunahan ang pagtatayo ng lokal na mga alyansa upang maisakatuparan ito.

b. Maglunsad ng mga serye ng pag-aaral hinggil sa VFA at sa relasyong EU at Pilipinas. Kinakailangang palaganapi ang pinakamatalas na pagsusuri sa VFA sa pamamagitan ng masaklaw, sistematiko at malaganap na propaganda edukasyon at ahitasyon. Ilantad ang tutang rehimeng Arroyo at ang kasaysayan ng di-pantay na relasyong RP-US.

c. Magsagawa ng mga napapanahong kilos protesta. Markahan ang mga multi-sektoral na pagkilos sa Marso 20-21, anibersaryo ng gera ng US sa Iraq (US out of Iraq and the Philippines), Balikatan exericses (Abril 16-30 sa Bikol), at ika-sampung anibersaryo ng ratipikasyon ng VFA sa Mayo 27, 2009.

Sa pangmatagalan, kinakailangang isulong ang pambansa demokratikong pakikibaka ng mamamayan na may sosyalistang perspektiba, upang makamit ang isang polisiya sa pakikipag-ugnayang panlabas na malaya at makabubuti sa Pilipinas.

Ang ating mga panawagan:
Junk, VFA! Junk GMA!
Jail Smith in the Philippines!
US Troops out of the Philippines!
Ugat ng kahirapan, Imperyalismo, Ibagsak!




11th March 2009 | Filed under: Downloads, Top Post | Click here to follow any responses to this entry: RSS 2.0 feed

Want our posts delivered to you via email?

Leave a Reply

Follow responses to this entry, click here: RSS 2.0

Spam protection by WP Captcha-Free