Tinig ng Pagtindig
Ika-28 ng Marso, 2010
Ika-24 ng Marso 2010, dadalhin sana ng daan-daang kabataan mula sa Polytechnic University of the Philippines (PUP) ang mga warak-warak na gamit at pasilidad ng kanilang pamantasan sa Commission on Higher Education (CHEd). Ito ay para ipakita ang mga upuan at mga gamit sa harap ng CHEd bilang patunay sa patuloy na nabubulok na sistema ng edukasyon, at protesta sa 1666% na nakaambang pagtaas ng matrikula sa PUP.
Ngunit hindi na nakarating sa CHEd ang lima sa kanila—Judy Anne Fabito at Pi Em Canela , mga aktibong kasapi ng League of Filipino Students-PUP; Cheyser Soriano, naihalal na Presidente ng Sentral na Konseho ng Mag-aaral; Fennin Louise Umagat, College of Languages and Lingustics Student Council Vice President; at si Abriel Mansilungan ng Kabataan Partylist. Hinarang sila ng mga pulis at idinetine sa Manila Police District Precinct No. 8. Sinampahan sila ng kasong robbery o pagnanakaw dahil sa paglalabas ng mga sira-sirang gamit mula sa PUP.
Walang pagnanakaw na naganap. Mapayapang nailabas ng mga kabataan ang mga gamit at ibabalik din naman ang mga ito matapos ang pagkilos sa CHEd. Malinaw, kung gayon, ang nagaganap na pamumulitika sa mga iskolar ng bayan sa naganap na pag-aresto, sa pangunguna ni PUP President Dante Guevarra.
Simula’t sapul, salungat ang interes ni Dante Guevarra sa interes ng mag-aaral ng PUP. Aniya, kung hindi kayang magbayad ng mga estudyante ng matrikula sa PUP, sa ibang pamantasan sila mag-aral. Malinaw na nais pahinain ni Guevarra ang lumalakas na kilusang kabataan sa PUP upang mairatsada niya ang mga anti-estudyanteng polisiya at pagtataas ng mga bayarin. Isang paraan nito ang pagtutulak niyang makulong at makasuhan ang mga lider-estudyante ng PUP.
Ilang araw nang sunud-sunod na nagwo-walkout ang mga estudyante ng PUP upang pigilan ang nakaambang pagtaas ng matrikula mula P12 tungong P200. Anang mga kabataan ng PUP, nangangahulugan ng patuloy na pagbulusok ng sistema ng edukasyon sa bansa ang naturang pagtataas. Dahil ang PUP ay isa sa nananatiling abot kaya ang matrikula, hindi na lamang ito usapin ng mga kasalukuyang iskolar ng bayan sa PUP. Bagkus, ito ay isyu narin maging ng libu-libong kabataang anakpawis at maralita na nangangarap makapag-aral sa kolehiyo upang makaahon mula sa kahirapan.
Dahil dito, nagmartsa ang mga mag-aaral ng PUP, UP Diliman, UP Manila, UP Baguio at UP Los Baños, at mga kabataan mula sa iba’t ibang komunidad patungong CHEd. Sama-samang nilang iginiit na pakiharapan sila ni Emmanuel Angeles, Chairman ng CHEd at ng Board of Regents ng PUP. Bitbit din nila ang panawagan ng tuition moratorium bilang pagtutol sa nakaambang pagtataas ng matrikula sa 200 pribado at 22 pampublikong mga institusyong pangkolehiyo.
Karahasan ang paunang isinalubong ng CHEd sa mga kabataan. Ginamitan sila ng fire extinguisher at mga kahoy upang harangan. Nagpadala rin ng kapulisan sa nasabing lugar bilang panakot sa mga kabataan. Subalit determinado ang kabataang makaharap si Angeles. Dahil sa militansya ng kabataan, humarap si Angeles. Matapos ang mahabang dayalogo, nagtagumpay ang kabataan dahil nagbitiw si Angeles ng pahayag na hindi na magtataas ang matrikula sa PUP.
Patunay ang mga pangyayari ng Marso 24 na ang militante at sama-samang pagkilos nating mga kabataan, sa halalan man o sa lansangan, ay susi upang makamit ang ating mga karapatan. Higit sa ating paggigiit sa ating karapatan sa edukasyon, nananatili ang panawagan upang papanagutin ang rehimeng US-Arroyo at kanyang mga kasapakat sa kanilang pagyurak sa karapatan ng mamamayan; hindi lamang sa edukasyon kundi maging sa serbisyong panlipunan.
Bagamat ipinagbubunyi natin ang nakamit na tagumpay, dapat tayong manatiling mapagbantay. Sapagkat, ilang ulit na tayong nilinlang ng tanggapan ng CHEd. Hindi sasapat ang mga pahayag upang makamit ang ating karapatan, lalo na’t nananatiling nakapiit at may kasong kriminal ang limang lider-estudyante ng PUP. Diba’t ang tunay na krimen ay ang pagpatay sa karapatan ng mamamayan na makapag-aral at maghangad ng mas maayos na kabuhayan?
Ang pagkakakulong sa limang lider-estudyante ay isang konkretong aktwalisasyon ng matagal nang sentimyento ng mamamayan. Ang rehimeng ito, sampu ng kanyang mga kasapakat, ay walang preno sa pagsupil sa mga mamamayang naninindigan para sa mga demokratikong karapatan–sa mga mamamayang patuloy na nilalantad ang kabulukan ng rehimen at ng lipunan.
Sa pagpapalaya sa limang lider-estudyante at sa pagkamit ng ating mga demokratikong karapatan, sama-samang pagkilos pa rin natin ang magiging mapagpasya. Kung kaya sa Marso 29, tayo’y manindigan para sa karapatan sa edukasyon ng mamamayan. Sama-sama tayong magmatyag sa Board of Regents meet ng PUP, at tiyaking hindi maipapatupad ang panukalang pagtataas ng matrikula.
Palayain ang limang lider-estudyante!
Tutulan ang lahat ng pagtaas sa matrikula at mga bayarin sa pamantasan!
Ipaglaban ang mas mataas na badyet sa edukasyon!
Kabataan, manindigan para sa demokratikong karapatan ng mamamayan!
28th March 2010 | Filed under: Top Post | Click here to follow any responses to this entry: RSS 2.0 feed
Related Posts:
Fatal error: Call to undefined function similar_posts() in /home/lfs/lfs.ph/wp-content/themes/mimbo2.2/single.php on line 41
