Hustisya para kay Ka Ambo Guran! hustisya para sa lahat ng biktima ng pamumulitikang pamamamaslang! End Oplan Bantay Laya NOW!

Piinakamataas na pagpupugay ang ipinapaabot ng Pambansang komiteng Tagapagpaganap ng League of Filipino Students kay Kasamang Rei Mon ‘Ambo’ Guran sa ika-apat na taong pag-gunita sa kanyang buhay at paglisan. Ang araw ng pagpaslang kay Ka Ambo ay isa sa pinakamadilim na sandali sa kasaysayan ng rebolusyonaryong kilusang kabataan at estudyante, ngunit hindi maitatanggi na ito ay ang katotohanang sumasambulat sa mamamayan sa panahong ng krisis sa isang lipunang malakolonyal malapyudal.

Sa ilalim ng palagiang krisis na nararamdaman ng sambayanang Pilipino, naisisilang ang mga kasamang tulad ni Ka Ambo. Si Ka Ambo ay isa sa pinakaprominenteng lider-estudyante sa rehiyon ng Bikol  at isa sa mga pinakamasugid na tagapamandila ng mga prinsipyo ng LFS sa ating panahon. Siya, sampu ng lahat ng kabataan at mamamayang pumapaloob sa pambansa-demokratikong kilusan, ay ubos-kayang nagmumulat sa mamamayan sa kanilang tunay na kalagayan, nagrerekluta sa mga pambansa-demokratikong organisasyon, at nagpapakilos sa laksang mamamayang lumalaban upang ibagsak ang imperyalismo, burukrata kapitalismo at pyudalismo. Ang pagbuhos ng mga kabataang makabayan tulad ni Ka Ambo papaloob sa kilusang mapagpalaya ay siyang nagpapanginig sa tuhod ng reaksyunaryong estado.

Kaya naman ang sukli sa sambayanang lumalaban ay, totoo sa kanyang katangian, ang buong bigat ng pasismo ng estado. Ang Oplan Bantay Laya I at II sa ilalim ng rehimeng US-Arroyo marahil ay ang pinakamadugo at pinakasagad-sagaring programang kontra-insurhensya na ipinatupad ng ninumang pangulo. Sa kanyang layuning  durugin ang rebolusyonaryong pwersang patuloy na lumalakas sa kanayunan, hindi na pinag-iba ng estado ang mga aktibista ng mga ligal na organisasyon at ang mga kasapi ng Bagong Hukbong Bayan sa kanayunan. Mahigit isang libong lider-aktibista, mga miyembro ng mga progresibong alyansa at organisasyon, at mga magsasaka, kabataan at manggagawa, ang pinagdadakip at pinagpapatay ng pasistang rehimeng US-Arroyo at ng kanyang reaksyunaryong sandatahang AFP. Sa halip na ugatin ang mga dahilan kung bakit patuloy na lumalakas ang armadong pakikibaka ng mamamayan sa kanayunan, pinatupad nito ang hungkag na programa ng OBL I at II, all-out war sa lahat ng mamamayang nagnanais ng tunay na pagbabago.

Isa na nga si Ka Ambo sa mga kasamang sa kabila ng matinding banta sa buhay ay nagpatuloy. Ang kanyang pagpanaw ay hindi pagtatapos, kundi isang hudyat ng pagsulong, muling pagtindig sa ating mga prinsipyo, at isang hamon na paigtingin ang ating pakikibaka upang wakasan ang sistemang nag-aanak ng pagpaslang, pambubusabos at pananamantala sa mamamayan.

Sa pagpasok ng rehimeng US-Aquino, ang bagong tuta ng Imperyalistang Estados Unidos, hindi na tayo papaloko pa sa ilusyon niya ng pagbabago. Magpapatuloy ang mga programa ng kontra-insureksyon katulad ng Oplan Bantay Laya I at II na layong kitilin ang diwang palaban ng mamamayan. Ngunit tayo’y magpapatuloy. Tayo’y mulat na habang nariyan ang imperyalimo, na siyang pangunahing ugat ng pananamantala sa mamamayan ng buong daigdig ,ay hindi natatapos ang ating laban. Tulad ni Ka Ambo, marapat tayong magpatuloy sa kabila ng kahirapan, sakripisyo at banta ng kamatayan;  pagkat ang mga martir ng ating kilusan,  ay ang magtutulak sa ating patuloy na isulong ang pambansa-demokratikong pakikibaka hanggang sosyalismo na siyang tanging wawakas sa lahat ng pagpaslang, panananamantala at pambubusabos.

Share



1st August 2010 | Filed under: Features | Click here to follow any responses to this entry: RSS 2.0 feed

Want our posts delivered to you via email?

Related Posts:


Fatal error: Call to undefined function similar_posts() in /home/lfs/lfs.ph/wp-content/themes/mimbo2.2/single.php on line 41