Baseng sosyal ng imperyalismong US ang pyudal na sistema at atrasadong agrikultura. Sa pagkikipagsangkapan sa mga malalaking panginoong may-lupa at malalaking burgesya-komprador, pilit na sinagsagkaan ang kahit anong porma ng pagpapaunlad sa agrikultura para matiyak na nakasentro at pinagsisilbi ang likas na yaman ng bansa sa iilan. Tinitiyak nila na hindi tayo kailanman magkakaroon ng ekonomiyang nakabatay sa agrikultura para hindi tayo makatindig sa sarili, bagkus, pagtuloy na umasa sa kalakarang pang-ekonomiya na export-oriented at import-dependent.
Sa kasalukuyan, nakasentro pa rin sa iilang mga naghaharing-uri at mga dayuhang mangangalakal ang mga lupain ng bansa at walang patid itong pinapasidhi sa ilalim ng balangkas ng Private-Public Partnerships (PPP). Ang PPP ay nasa padron ng foreign land acquisitions na dikta ng mga Imperyalistang bayan na kinakatangian ng “ligal” at illegal na pamamaraan ng pagkuha ng mga lupain ng iba’t ibang bansa para pagtayuan ng mga imprastraktura at iba pang investments para ibayong mahuthutan ng kita at tubo. Dumulo ito sa huling tala ng IBON na nagsasaad na tinatayang kasing-laki ng United Kingdom ang lawak ng nakamkam na lupa ng mga imperyalista.
Masaklap ang 27 taon na nasa kamay ng mga Cojuangco-Aquino ang HLI. Kinatangian ito ng sagad-sagaring pagkaganid mula sa unang pagtanggi ng mga Cojuangco-Aquino na ipamahagi ang lupa matapos ang 10-taon kasunduan nang ito ay mapasakamay ni Jose Conjuangco, Sr., taong 1958. Sinundan ito ng pagtanggi ni Cory Aquino na isailalim sa land reform ang lupain ng asyenda. Sinundan nito ang walang habas na pagpapaulan ng bala sa mga mamamayang nagproprotesta sa Hacienda Luisita taong 2004. Nariyan din ang Stock Distribution Option (SDO), na nauna nang nabasura noong Nobyembre 22 sa 14-0 na desisyon ng Korte Suprema. Hanggang sa huling yugto bago lumabas ang makasaysayang desisyon ng Korte Suprema, humihingi ang kampo ni Aquino ng P5B compensation.
Abril 24, inilabas ng Korte Supreme ang “final and executory” 8-6 (na may isang abstain) na boto nito, pabor sa pagsasakatuparan ng CARP. Nangangahulugan ito sa isang banda na kailangan magbayad ang mga magsasaka ng HLI ng P196M sa loob ng 30 taon bilang amortization. Ang halagang ito, ayon na mismo sa Korte Suprema ay ayon sa halaga ng 4,915-ektarya ng HLI taong 1989.
Ang walang patid na pakikibaka ng mga mamamayan ng Hacienda Luisita ay panandang-bato sa kasaysayan ng pambansa-demokratikong pakikibaka. At sa kabila ng tagumpay na ito, kaisa kami sa hanay ng sambayang hindi makakalimot—hindi lamang sa mga martir ng Hacienda Luisita Massacre, ngunit, higi’t lalo, sa kung paano pursigidong ipinagpatuloy at ipinamandila ang pambansang demokrasya mula sa puntong binuwalan ng mga naunang nakibaka para dito.
May natatanging papel ang mga kabataan para higit na makipagkaisa sa batayang sektor ng lipunan. Bukal sa katangian ng ating kilusan ang lagi’t laging makipagkapit-bisig sa pakikibaka ng ibang sektor ng lipunan dahil sa ganitong pamamaraan lamang tunay at kolektibong mapapagtagumpayan ang ating mga demokratikong kahilingan. Kailangan mapanumbalik ng buong organisasyon ng LFS ang masikhay na pagpakat nito sa mga komunidad, pabrika, at maging mga sakahan—para walang patid na makipamuhay, magpropraganda hinggil sa pambansang demokrasya na may sosyalistang perspektiba at makapag-organisa ng mga mamamayan at ibuslo ito sa isang malakas na pwersang lalansag sa pamamayagpag ng imperyalismo at lokal na ahente nito sa bansa.
Kaakibat ng makasaysayang tagumpay na ito ng mga magsasaka ng HLI ang patuloy na hamon para sa pang-matagalang kapakanan ng lahat na dinudustang uri sa lipunan. Kailangan pasidhiin ang pakikibaka para sa pagsasabatas ng Genuine Agrarian Reform Bill (GARB) at pangkabuuang programa ng pambansa demokratikong kilusan. ###




















