ILANTAD AT TUTULAN ANG SABWATAN NG CHED-PNOY AT MGA KAPITALISTA-EDUKADOR

PAHAYAG NG LEAGUE OF FILIPINO STUDENTS-PANAY LABAN SA PAGHINTULOT NG CHED SA PAGTAAS NG MGA BAYARIN AT MATRIKULA NG MGA PAMANTASAN

Sa pagsimula ng pasukan ngayong 2012, muli tayong binigo ng Commission on Higher Education (CHED) sa kanilang pagpahintulot na magtaas ng matrikula at mga bayarin ang mahigit 300 Higher Education Institution (HEI). Naging inutil ang komisyon sa pag-regulate ng mga HEIs lalo na sa usapin ng mga bayarin na ipinapatong sa mga mag-aaral. Mas pinaboran nito ang interes ng mga may-ari ng pribadong pamantasan at hinayaan na pasanin ng mga mag-aaral ng mga pampublikong paaralan ang mas mataas na matrikula.

Ayon mismo sa CHED, 14 na mga HEI ang magtataas ng matrikula, hindi pa kasama ang pagtaas ng mga bayarin (fees) na ipinapataw sa mga mag-aaral, sa buong Western Visayas. Mayorya sa mga nagpanukala ng pagtaas ng matrikula at bayarin ay mga pribadong pamantasan. Walang pag-aalinlangan ang CHED na aprubahan ang mga pagtaasna ito kahit mayroong mga nakahaing reklamo tulad na lang sa University of St. La Salle sa Bacolod City.

Umabot na ng halos 10% ang average na pagtaas ng matrikula ngayong taon sa buong Western Visayas. Sa pambansang saklaw, mula Php 5, 406 noong 2011, umabot na ng Php 9,984.87 ang matrikula na binabayaran ng mga estudyante kada semester.

Dahil sa pagtaguyod ng edukasyon bilang isang produkto, naging malaking negosyo rin ito para sa iilang mga lokal na nagsasamantala. Simula 2001, napabilang sa Top 1000 na mga korporasyon ang malalaking pamantasan sa bansa. Ang University of the East, na pagmamay-ari ni Lucio Tan, ay nagkamal ng milyon-milyong tubo sa panlilinlang nito sa mga estudyante. Walang magawa ang CHED kundi sang-ayunan na lamang ang dikta ng malalaking kapitalista-edukador na ito dahil maaring ‘sila ang balikan’ ng mga administrador ng bawat pamatasan. Naging instrumento na lamang ang CHED sa pagkalakal ng edukasyon sa bansa.

Samantala, noynoying rin ang sagot ng administrasyon ni PNOY sa pagtaas ng mga bayarin sa pamantasan- hindi nito pinahinto ang pag-akyat ng matrikula at bayarin sa mga pamantasan. Ang mga State Universities and Colleges naman (SUCs) ay taon-taon naring binabawasan ng pondo. Dahil sa polisiya nitong pag-abandona sa kanyang pinansyal na responsibilidad sa mga SUCs, mas napipilitan ang mga SUCs na ipasa ang hirap sa mga estudyante sa mukha ng pagtaas ng matrikula at pagkolekta ng kung anu-anong bayarin. Hindi maikakaila na kontra-kabataan ang kasalukuyang administrasyon.

Malinaw na tumitindi ang komersyalisdong katangian ng edukasyon sa ating bansa. Malinaw na pinapaboran ng CHED at ng administrasyon ni PNOY ang mga kapitalista-edukador upang kumita. Responsable ang administrasyon sa kapabayaang ito.

Dahil sa mga panukala ng gobyerno sa edukasyon, mas umiigting ang pagiging kolonyal, represibo, at komersyalisadong katangian ng edukasyon sa ating bansa.

Sa kolektibo at militanteng pagkilos ng kabataan mababago ang kalagayang ito.

Sa pinaka-kagyat, nananawagan tayo ng pagpapatigil sa pagtaas ng matrikula at mga bayarin, paglipat ng pondo mula sa gastusing-militar, at bayad-utang sa edukasyon, paglaan ng 6% ng Gross Domestic Product ng sa edukasyon, at pagbasura sa Education Act of 1982.

Marapat lamang na ang ating tugon ay isang makabayan, siyentipiko, at maka-masang edukasyon para sa lahat.