Ito ang pahayag ng militanteng organisasyon ng mga kabataan sa isang press onference na ginanap sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman. Giit ng grupo, sa ikalawang taon ni Aquino, lantad na lantad sa kabataan at mamamayan ang pagsunod nito sa yapak ni Gloria, at mas pinasidhi pa ang pambubusabos sa taumbayan sa pagiging sagad-sagaring papet ng Imperyalismong-US.
K to 12, Balikatan exercises, pagtaas ng matrikula at iba’t iba pang bayarin, privatization ng mga pamantasan, maliit na badyet sa edukasyon, Public-Private Partnerships (PPP), Conditional Cash Transfer (CCT), demolisyon, sapilitang pagdukot, extra-judicial killings, mababang sahod ng mga manggaggawa, kawalan ng tunay na reporma sa lupa, militarisasyon, paggahasa sa kalikasan—ito ay ilan lamang sa mahabang listahan na litanya ng mga kasalanan ni Aquino sa mamamayan.
“Sa ikalawang taon ng kanyang pagkapangulo, napatunayan ng mga kabataan na ang daang matuwid ay dead end para sa mga pangarap at aspirasyon ng kabataan at mamamayang para sa magandang kinabukasan. Partikular na pasanin ngayon ng mga estudyante ang niraratsadang K to 12 na dikta ng mga dayuhang kapitalista ay pabor sa naghihingalong ekonomiya ng US dahil maglilikha ito ng malaking balon ng murang lakas-paggawa na maaaring samantalahin para makahuthot ng kita at tubo,” ani Gemma Canalis, tagapangulo at tagapagsalita ng League of Filipino Students
Dagdag pa niya, “ang pag-iral ng interes ng US sa bansa ay lantad mula sa buwanang high-level o top-level talks sa pagitan ng opisyal ng bansa at ng US, madalas na pagdaong ng mga naval vessels at warships ng US sa bansa, military exercises, at ang pagraratsada ng Visiting Forces Agreement sa bansang Australia mahigpit na kaalyadong-militar ng US—para ipirmis ang Pilipinas bilang outpost ng US sa rehiyong Asya-Pasipiko kabahagi ng planong i-contain ang Tsina na banta sa pandaigdigang lakas at kapangyarihan ng US.”
“Sawang-sawa na ang kabataan at mamamayan sa pambubusabos, panloloko, pagpapakatuta ni Aquino. Handa ang buong LFS na tumungo sa mga sentrong lungsod sa buong bansa para magkasa ng pagkilos sa araw ng SONA para puspusang ilantad ang pagkataksil ni Aquino sa taumbayan; patunayan na ang tanging tuwid na daan ay sama-samang hahawanin ng mamamayan sa kanyang pakikibaka para sa pambansang soberanya at tunay na kalayaan.###


















