SALAGIN ANG SAKUNANG DULOT NG REHIMENG US-AQUINO

Nahigitan na ng hanging habagat na sumunod sa Bagyong Gener ang buhos ng ulan na dinala ng Ondoy noong 2009. Nitong nakaraang taon lang din nang salantain naman ng Bagyong Sendong ang Cagayan de Oro at Iligan. Sa lahat ng pagkakataon, naipamalas sa mamamayang Pilipino ang pinsalang dulot ng pagkasira ng kalikasan ngunit higit pa rito, ang pagkukulang ng pamahalaan na ihanda ang kanyang mamamayan para sa mga nakaambang sakuna at ilayo sila sa tiyak na kapahamakan.

Salot sa bayan

Mula nang sinalanta ng Gener ang bansa ay 1.2 milyong Pilipino na ang naapektuhan ng malalakas na ulan habang 61 na ang naitalang bilang ng mga namatay. Bukod sa kalakhan ng Metro Manila, lubog din sa baha ang iba’t ibang lugar sa Gitnang Luzon at Timog Katagalugan.

Likas sa Pilipinas ang daanan ng bagyo dahil sa posisyon nito sa daigdig. Ngunit sa kabila nito, ang kalunus-lunos na kalagayan ng mga kababayan nating lubog sa baha ay sintomas ng kawalan ni Noynoy Aquino ng maayos na aksyon at programa para kaharapin ang mga sitwasyong tulad ng nangyayari ngayon.

Kung babalikan natin, mismong si Noynoy ang humarang sa pagdagdag ng pera sa paghahanda para sa sakuna (disaster preparedness) mula sa P5 bilyon ng Calamity Fund para sa taon 2011. Bago matapos ang kaparehong taon, mahigit 1, 500 ang namatay dahil sa Sendong. Bilang tugon naman sa delubyo ngayong buwan ng Agosto, 5.9 bilyon ang nilabas ng gobyerno mula sa 7.5 bilyon nitong inilaang Calamity Fund para sa taong 2012. Hanggang matapos ang taon, 1.6 bilyon na lang ang pondo ng administrasyong Aquino para sa mga darating pang bagyo at sakuna.

Ang paghihintay ni Aquino na malagay sa alanganin ang buhay ng mamamayan bago umaksyon ay nagpapakita ng kawalan ng katapatan niyang tiyakin ang kapakanan ng taumbayan.

Pinsala sa kalikasan

Bagaman suki ng bagyo, mayaman ang Pilipinas sa mga natural buffer o kapaligirang likas na nakakabawas sa lakas ng bagyo. Nariyan ang mga bakawan na nagpapahina sa hangin bago pumasok ang bagyo sa lupa. Ganito rin ang ginagawa ng mga kabundukan sa bansa. At dahil sa mga puno sa kagubatan, nananatiling matatag ang lupa at tiyak na may sisipsip sa labis na tubig na dala ng ulan.

Ngunit di pa rin natuto sa mga aral ng nakaraan, patuloy pa rin si PNoy sa pagbigay ng pahintulot sa mga malalaki at dayuhang korporasyon sa pagmimina na sirain ang kalikasan. Dahil pinagkakaloob niya ang lupain ng Pilipinas sa mga kumpanya, malaya silang nagtotroso at nagkakalkal ng lupa para sa mga mineral upang pagkakitaan. Ang nagiging resulta’y pagiging buhaghag ng lupa at pagkakalbo ng mga kagubatan. Samantala, patulo’y na sinisisi ng rehimeng US-Aquino ang mga mamamayan sa pagbaha at pagtira sa kabundukan kung saan naroon ang kanilang kabuhayan tuwing may trahedya tulad ng landslide.

Tulong, Kabataan!

Dahil taliwas sa interes niya at ng tinataguyod niyang uri, kailanman ay hindi magkakaroon ng mabisang programa para sa paghahanda sa kalamidad si PNoy. Panahon na rin ang nagsabi na ang mga hakbangin ng rehimeng US-Aquino sa ganitong sitwasyon ay di kaiba sa mga ginawa ng mga administrasyong nauna sa kanya: palpak at hindi sapat. Para sa mga katulad niyang tagapagpanatili ng bulok na sistemang dinidiktahan ng Estados Unidos at mga malalaking kapitalista, una pa rin sa kanilang listahan ang pagkamal ng labis na tubo kahit pa nangangahulugan ito ng pagkasira ng bansa.

Malinaw sa atin kung gayon na nasa ating sama-samang pagkilos lamang matutugunan ang pangangailangan natin bilang mamamayan. Kasabay ng paniningil kay Aquino sa kainutilan niya sa pwesto, inaanyayahan ng League of Filipino Students (LFS) ang lahat na maging bahagi ng Tulong Kabataan, isang relief operation sa pangunguna ng kabataang Pilipino, at mag-ambag ng lakas at panahon para tulungan ang mga kababayan nating sinalanta ng malalakas na ulan at ng kapabayaan ng rehimeng US-Aquino. Maaaring magbigay ng mga donasyon tulad ng pera, pagkain, tubig, gamot, damit, atbp. Maaari ring maging volunteer at mag-ambag ng oras para sa feeding programs, medical missions, atbp.

Sa panahon ng krisis, higit ang tawag ng pangangailangan sa kabataan at lahat ng mamamayan para sa sama-samang pagkilos upang itaguyod ang panatang paglingkuran ang sambayanan.

 

 Maging volunteer ng Tulong Kabataan!

Serbisyong panlipunan, ipaglaban!

Noynoy panagutin!